ARESTADO ang isang lasing na lalaki matapos isumbong sa mga awtoridad kaugnay sa ginagawang pagwawala habang may hawak na baril sa harap ng kaniyang bahay sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 7 Pebrero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang suspek na si Willy Salazar ng Brgy. Sibul, San Miguel.
Nadakip ang suspek sa pagresponde ng mga elemento ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Tartaro, sa nabanggit na bayan.
Ikinasa ang agarang reaksiyon ng mga tauhan ng San Miguel MPS batay sa impormasyong ibinigay ng isang tawag mula sa concerned citizen tungkol sa alarm and scandal na nagaganap sa nabanggit na lugar.
Nang dumating sa lugar ang mga operatiba, nakita nila at naaktohan ang suspek na nagwawala at lasing na lasing habang iwinawasiwas ang dalang baril.
Natameme ang suspek nang makita ang mga pulis kaya taas-kamay na sumuko hanggang narekober mula sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm) kaugnay ng COMELEC Resolution No. 10728 at Alarm & Scandal na kasalukuyang inihahanda laban sa suspek.
Kaugnay nito, tiniyak ni P/Col. Ochave sa publiko na ang Bulacan PNP ay pangangalagaan sila laban sa mga grupo o indibiduwal na maghahasik ng takot at kaguluhan sa kanilang komunidad. (MICKA BAUTISTA)