ni ROSE NOVENARIO
NAKATALI ang kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa utang na loob kay Pastor Apollo Quiboloy, leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaya hindi alintana ang tambak na kasong isinampa ng Estados Unidos laban sa kanyang spiritual adviser.
Sa kanyang Talk to the People kamakalawa ng gabi, tila hindi alintana ng Pangulo ang patung-patong na kaso sa Amerika ni Quiboloy at masaya pa niyang ikinuwento ang huntahan nila tungkol kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na school mate ng kanyang spiritual adviser sa Notre Dame sa North Cotabato.
“Pero — kagaya ni Secretary Lorenzana, Cotabato ito siya e, laking Cotabato talaga sa… [Parang ka ba, Del?] Alam mo kung bakit? Si Pastor Quiboloy, nagsabi siya once. Once upon a time, we were talking about military people. Hindi pa siya DND. Sabi niya, “Hindi mo ba alam, Mayor, na iyan si Lorenzana — I don’t know anong ranggo niya — ano ‘yan, Ilocano pero Parang.
“At saka sa Notre Dame, Cotabato City, nag-aral rin si Pastor Quiboloy doon. Ang valedictorian nila, si Secretary Lorenzana. Kaya tigas talaga pala. Akala ko tigas- tigasan lang, tigas talaga. A iyon ang ano ko,” anang Pangulo.
Inilabas kamakailan ng FBI sa kanilang website ang wanted poster ni Quiboloy bunsod ng mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Iwas-pusoy si Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles nang tanungin ng media kung alam ni Pangulong Duterte ang kinaroroonan ni Quiboloy at may legal obligation siya na i-report ito sa US Embassy bunsod ng mga kinakaharap na kaso ng kanyang spiritual adviser.
“ We will pass through the diplomatic channels. Any communications should pass through the diplomatic channels. The Department of Justice has already spoken to the issue,” aniya sa Malacañang press briefing kahapon.
Nauna rito’y sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maglalabas siya ng immigration lookout bulletin laban kay Quiboloy.
“We can issue an immigration lookout bulletin order motu proprio. We will play it by ear, as examine the evidence before us and as outside events unfold and of course iyong communications that will be coursed through diplomatic channels,” ani Guevarra.