ni ROSE NOVENARIO
ISANG malaking hamon sa rehimeng Duterte at tambalang Marcos-Duterte ang pagiging malapit kay Kingdom of Jesus Christ church leader Pastor Apollo Quiboloy matapos ihayag ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos na ang spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kasama sa kanilang most wanted list bunsod ng patong-patong na kaso kabilang ang child sex trafficking.
Bukod sa pagiging leader ng sekta at itinuturing na spiritual adviser ni Pangulong uterte, si Quiboloy ay isa sa mga oligarka na nakasambot ng inatadong ABS-CBN frequencies.
“Malaking hamon sa Duterte regime at maging sa Bongbong-Sara tandem na huwag kanlungin si Quiboloy, lalo’t inendoso niya ang tandem ng administrasyon kamakailan. They are complicit in coddling the ‘wanted sex trafficker’ and in causing further injury to those victims who have come forward to expose Quiboloy’s crimes,” ayon kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas.
Hinimok ni Brosas ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng hold departure order (HDO) laban kay Quiboloy upang mamonitor ang anomang pagtatangkang lumabas ng bansa ang isang ‘wanted’ o pinaghahanap ng batas habang ikinakasa ang extradition request ng US government kahit kontra ito sa nais ni Pangulong Duterte.
“We again ask the DOJ to do whatever is necessary to facilitate the attainment of justice to all the victims of Pastor Quiboloy — even if those measures would run counter to Duterte’s wishes,” ani Brosas.
Nanawagan din ang mambabatas kay Quiboloy na sumuko na at harapin ang mga kaso imbes palabasin na siya pa ang biktima.
“Pa-victim itong si Pastor Quiboloy. E siya itong maraming biniktimang kababaihan at menor de edad ayon sa indictment charges laban sa kanya. For someone who is accused of molesting minors and trafficking victims to the US, Quiboloy must really be thick-faced to liken himself to Biblical figures. Sumuko na lang dapat siya,” giit ni Brosas.
“Si Joseph, inapi kahit walang kasalanan. Si Pastor Quiboloy, nang-api at nang-abuso, wanted sex trafficker at sangkot sa napakaraming landgrabbing cases sa Mindanao. Napakalaki ng pagkakaiba,” dagdag ng mambabatas kaugnay sa taguri ni Quiboloy sa sarli na isang “modern-day Joseph.”
Inilabas ng FBI sa kanilang website ang wanted poster ni Quiboloy bunsod ng mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Napaulat noong Nobyembre 2021 na nais ng mga awtoridad sa Amerika na kompiskahin ang mga ari-arian ni Quiboloy dahil ito’y ‘ill-gotten.’
Itinuturing ng FBI na “ill-gotten” ang properties ni Quiboloy sa US dahil resulta ito ng mga ginawang krimen.
Kabilang sa mga nanganganib na makompiskang ari-arian ni Quiboloy sa Amerika ay ang Cessna Citation Sovereign, isang private aircraft na may current market value na $18 milyon, isang Bell 429 helicopter, ilang luxury cars at real estate properties, gaya ng isang million-dollar mansion sa Calabasas, California.
May mga bahay din umano si Quiboloy sa Las Vegas, Nevada, at sa Kapolei, Hawaii, at ang main headquarters ng KOJC na may address sa US na 14400 Block of Vanowen Street, Van Nuys, California.
Nagsimula umanong subaybayan ng US authorities ang mga aktibidad ni Quiboloy mula nang madetine siya nang isang araw sa Honolulu noong 13 Pebrero 2018 nang matuklasan ng customs officials sa kanyang luggage ang gun parts, $335,000 cash at $9,000 Australian dollars sa kanyang private aircraft.
Marami ang nag-aabang kung ipagtatanggol ni Pangulong Duterte si Quiboloy gaya nang pagsangga niya sa dating economic adviser na si Michael Yang na nasangkot sa maanomalyang Pharmally deal at sa campaign financier niyang si Dennis Uy sa kuwestiyonableng Malampaya contract.