DINAKIP ng mga awtoridad ang isang Chinese national dahil sa pagbebenta ng mga produktong walang lisensiya o permiso sa mga kinauukulan sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes, 4 Pebrero.
Kumagat sa pain na inilatag ng mga tauhan ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na kinilalang si Shi Yun Chung, 51 anyos, vendor, residente sa Brgy. Sta.Rosa sa nabanggit na bayan.
Kasama ang mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) Region 3, ikinasa ang isang buy bust operation laban sa suspek na naaktohang nagbebenta ng insecticide aerosol at mga katol na walang kaukulang lisensiya o permiso mula sa FDA na kinakailangan ayon sa batas.
Nakompiskang ebidensiya mula sa suspek ang buy bust money na ginamit sa operasyon, Isuzu Elf truck, gayondin ang iba’t ibang katol at insecticides.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Bulacan PFU ang suspek para sa dokumentasyon at nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)