ARESTADO ang isang babae matapos mahuling nagbebenta ng pekeng CoVid-19 vaccination cards sa bayan ng Manolo Fortich, lalawigan ng Bukidnon, nitong Biyernes, 5 Pebrero.
Kinilala ni Bukidnon Police Provincial Office (BukPPO) spokesperson P/Capt. Jiselle Longakit ang suspek na si Sharlyn Abdul, 20 anyos, nahuli sa aktong nagbebenta ng dalawang pekeng vaccination cards sa halagang P700 sa mga undercover na pulis sa ikinasang entrapment operation sa Mulberry, Brgy. Tankulan, sa naturang bayan noong Biyernes.
Dinakip si Abdul sa presensiya ng Municipal Health Office (MHO) sa pamumuno ni Katrina Tilap, public health nurse, at Brgy. Tankulan Kagawad Allan Imprugo.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni P/Maj. Carlito Chua, Jr., hepe ng Manolo Fortich MPS, sinimulan nilang manmanan ang suspek noong 25 Enero matapos iulat ng isang tauhan ng MHO sa pulisya ang posibleng pagbebenta niya ng pekeng vaccination cards.
Ani Chua, ipinakita ng isang residente ng Brgy. Dalirig ang pekeng vaccination card sa isang vaccinator mula sa MHO.
Dagdag ng hepe ng pulisya, ang nakatatandang kapatid ng suspek na si Salmina Musa ang target ng operasyon ngunit si Sharlyn ang naabutan ng mga awtoridad na gumawa ng transaksiyon.