ni Rose Novenario
SAMPUNG araw mula nang huling makita ng publiko si Pangulong Rodrigo Duterte hanggang kumalat ang impormasyon na nasa kritikal siyang kondisyon sa isang pagamutan, kinompirma kahapon ng Palasyo na nakompromiso ang kalusugan ng Punong Ehekutibo.
Pasado 5:00 ng hapon, inilabas sa media ng longtime aide ni Pangulong Duterte na si Sen. Christopher “Bong” Go ang larawan niya kasama sa sasakyan ang Punong Ehekutibo na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) at sinabing kanyang personal physician.
Hindi binanggit ni Go kung kalian kuha ang larawan.
Nauna rito’y inihayag ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na nasa quarantine si Pangulong Duterte matapos ma-expose sa isang household staff na nagpositibo sa CoVid-19 noong 30 Enero 2022.
Mula noo’y dalawang beses sumailalim sa RT-PCR test ang Pangulo at parehong negatibo ang resulta, ayon kay Nograles.
Aniya, nagtungo sa Cardinal Santos Medical Center ang Pangulo para sa regular check-up ngunit walang petsang binanggit kung kailan ito nangyari.
Iginiit ni Nograles, hindi labag sa quarantine protocol ang pagpunta ni Duterte sa regular check-up sa Cardinal Santos Medical Center kahit nasa ilalim siya ng quarantine.
“There is no violation. Based on the assessment of the President’s physician, he was cleared to go and have his medical check up.”
Kaugnay nito, nagduda ang ilang political observers sa timing ng pagsasapubliko na nakompromiso ang kalusugan ng Pangulo.
Posible umanong naghahakot ng simpatya ang Pangulo matapos irekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan siya ng kaso kaugnay sa maanomalyang Pharmally deal at pagbisto ni datig Comelec commissioner Rowena Guanzon na isang senador na malapit sa kanya ang nag-iimpluwensiya sa poll body para hindi ibasura ang disqualification case laban kay presidential aspirant at anak ng diktador Ferdinand “Bongbong” Marcos.