AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
KAUNTING KEMBOT na lang at magkakaroon na ng isang malaking pagamutan sa Timog Katagalugan. Teka, may mga ospital naman sa lugar ha, anong ibig sabihin na malapit nang magkakaroon?
Totoo may mga nauna nang pagamutan sa Katimogan pero, ibang klaseng ospital itong malapit nang magkaroon sa lugar. Katunayan, hindi lang magkakaroon kung hindi malapit-lapit nang itayo ang pagamutan na patatakbuhin ng pamahalaan partikular na ang Department of Health (DOH).
Ganoon ba? Anong klaseng ospital naman iyan at anong ipinagkaiba sa mga matagal nang nakatayong ospital?
Tinutukoy natin na malapit nang magkaroon sa Katimogan o shall we say, malapit nang simulan ang pagtatayo nito Sa Tayabas, Quezon ay ang Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center.
Take note, ang pagkaiba sa nakatayo nang mga pagamutan – ang malapit nang itayo ay isang multi-specialty hospital. So, hindi ito isang “common hospital” na tulad ng mga nauna. Oo nga’t okey din ang mga naunang pagamutan pero itong nakatakda nang ipatayo ng DOH ay higit na mas kompleto sa pangangailangan ng mga kababayan natin diyan sa katimogan na nangangailangan ng atensiyong medikal.
E paano naisipan ng DOH na kailangan magtayo ng isang specialty medical center sa Katimogan? Paano at bakit nasabi natin na malapit nang itayo ang pagamutan?
Heto lang naman ang kasagutan diyan. Ito po ay dahil kina Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan at Congressman Wilfredo Mark Enverga ng First District. Paano?
Ang dalawa ang may akda ng House Bill No. 7952 na may kaugnayan sa pagtatayo ng ospital…at heto nga, kaya malapit nang itayo ang pagamutan ay dahil ang HB 7952 ay pasado na sa ikatlong pagbasa sa Senado. Good news nga iyan ha. Kaunting kembot na lang talaga.
Ang ospital ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Southern Luzon at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar at ito nga ay pamamahalaan sa ilalim ng DOH na sisiguro sa pag-abot ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Siyempre, lubos na ikinatuwa ni Cong. Tan ang pagpasa ng panukala na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya rin isinabatas.
Kasabay nito ay nagpasalamat din si Tan na umuupong tagapangunang komite ng kalusugan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, sa mga senador sa kanilang suporta partikular na kay Senator Christopher “Bong” Go na kanyang counterpart sa Committee on Health.
“Ito po ay isang malaking hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Filipino,” banggit ni Tan. Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.
“Napakalaking tulong kung tuluyan na ngang maisasabatas ang pagtatayo ng ospital dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensiyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa,” paliwanag ni Tan.
Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Romblon, at Aurora kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena. Makikinabang rin sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila kung saan matatagpuan ang mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines, bukod sa iba pang mga specialty hospitals.
Iyan ang tunay na lider, si Cong. Tan, kapakanan muna ng bayan ang inuuna at kinalilimutan ang sarili. Hindi biro ang proyektong ito – ang pagtatayo ng isang specialty hospital lalo sa panahon ngayon. At hindi na rin mahihirapan ang mga kababayan natin diyan sa Southern Tagalog, hindi na nila kailangan pang tumakbo sa Metro Manila dahil ang serbisyo na ng gobyerno ang lumapit sa kanila sa pamamagitan nga nitong itatayong specialty medical center.
Madame Cong. Helen Tan, at Cong. Enverga, maraming salamat at saludo ang bayan sa inyo.