ISANG ORAS muna bago tuluyang napigilan ang pagwawala ng isang lalaki kasunod ng pangho-hostage sa isang babae matapos masukol ng nagrespondeng mga awtoridad sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng umaga, 31 Enero.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Ronnie Pascua, hepe ng Bocaue Municipal Police Station (MPS), kinilala ang suspek na si alyas Loloy, trabahador sa Ayroso Hardware sa Brgy. Biñang 2nd, sa naturang bayan, samantala ang biktima ay kinilalang si Irma Blas, na kasamahan niyang tindera sa trabaho.
Ayon sa konsehal ng barangay na si Rico Navarro, unang nagresponde kasama ang barangay chairman na si Yboyh del Rosario at hepe ng tanod na si Noel Nicolas, dakong 9:30 am nang magwala si alyas Loloy at ini-hostage ang biktima gamit ang isang matalas na spatula na gamit sa hardware.
Nagkaroon ng ilang minutong negosasyon hanggang makalingat ang suspek at bigla siyang sinunggaban ng mismong may-ari ng hardware na si Patrick Ayroso.
Nakawala ang biktima sa ngunit nagpambuno sina Ayroso at alyas Loloy na noon ay iwinawasiwas ang hawak na spatula kaya sugatan din si Ayroso.
Dito sumugod si Nicolas at sa tulong niya ay tuluyang napigilan at nagapi sa pagwawala ang suspek.
Dahil sa maagap na pagresponde ng mga kinauukulan, ang hostage taking ay tumagal lamang ng halos isang oras.
Napag-alamang dumaranas ng matinding depresyon na humantong sa pangho-hostage si alyas Loloy na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bocaue MPS bago isalang sa pagsusuri ng psychiatrist. (MICKA BAUTISTA)