SIPAT
ni Mat Vicencio
KUNG hindi titigil o maglulubay sa pakikialam si Senator Imee Marcos sa kandidatura ng kanyang nakababatang kapatid na si dating Senator Bongbong Marcos, malamang na matalo ito sa darating na May 9 presidential elections.
Ang direktang panghihimasok na ginagawa ni Imee ay hindi nakabubuti sa kandidatura ni Bongbong bagkus ay nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa mga taong responsableng nagpapatakbo ng kampanya ng kanilang kandidato sa pagkapangulo.
At kung titingnan mabuti, ilang beses na bang napahamak si Bongbong dahil sa kagagawan mismo ni Imee? Kaya nga nagalit si Pangulong Digong kay Bongbong ay dahil na rin sa katabilan nitong si Imee, at kung ano-anong pahayag ang binibitiwan kontra sa kasalukuyang administrasyon.
Hindi rin iilang miyembro ng Gabinete ni Digong ang galit na galit kay Imee dahil sa kabila ng pakinabang ng pamilyang Marcos sa kasalukuyang administrasyon ay nagawa pa nitong upakan ang mahahalagang isyung pinaninindigan ng pangulo.
Kaya nga, hindi lang lumalabas na sobrang gulang, kundi wala rin utang na loob si Imee. Matapos na pakinabangan si Digong, ubod ng yabang ngayon at sumobra ang ‘dribble sa katawan’ lalo na nang makita niyang patuloy sa pamamayagpag si Bongbong sa mga presidential survey.
Bakit tapos na ba ang eleksiyon? Presidente na ba ang kapatid mo?
At hindi na kinilabutan si Imee nang sabihin niyang… “But the truth is we’ve been out of fashion for such a long time. We’re surprised that we’re back in style!”
Kayabangan talaga ni Imee. Baka naman… “Balik sa style mong bulok!”
Dapat talagang kumilos ang kampo ni Bongbong at pigilan ang tahasang pakikialam ni Imee sa kanilang kampanya. Kailangang magkaroon ng independence ang kanilang grupo at hindi kailanman mapakialaman ni Imee ang kandidatura ni Bongbong.
Nakatatakot kung sa pagpasok mismo ng campaign period ay maghari na naman si Imee tulad nang tumakbo si Bongbong bilang vice president noong 2016. Sobrang gulo dahil meron sariling media at organizing group si Imee na nagpapatakbo rin ng kampanya ni Bongbong.
Susi rito ang asawa ni Bongbong na si Liza para hindi makaporma at makontrol ni Imee ang kandidatura ni Bongbong. Hindi ko makalilimutan noong sa gitna ng matinding kampanya ni Bongbong sa pagkasenador ay napilitan mag-resign si Imee dahil sa matinding banggaan nila ni Liza.