PROMDI
ni Fernan Angeles
HINDI na bago ang diskarteng pilipit sa larangan ng politika – batuhan ng putik, pagkakalat ng fake news, walang prenong patutsada, below-the-belt na puntiryang halaw sa kathang-isip lang nila, at gitgitan sa entablado ng makabagong panahon, ang social media.
Kung tutuusin, malaking bentaha ang social media lalo pa’t limitado na ang personal na pangangampanya, bagay na tila sinakyan ang mga tao sa likod ng mga kandidatong kursunada, sa hangaring makapuwesto at makapagsamantala sa sandaling maluklok sa puwesto ang manok nila.
Ang totoo, matagal nang kalakaran ang isiniwalat ng isang kontrobersiyal na abogadong kandidato. Ayon kay Larry Gadon, may sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal ng Facebook Philippines at ng kampo ng aspiranteng si Vice President Leni Robredo.
Bigla kong naalala ang isang kaibigang alkalde ng isang mayamang bayan sa isang karatig lalawigan ng Metro Manila. Sa isang simpleng kuwentohan namin ng kanyang tauhan, nagawi ang aming usapan sa politika.
Sabi ko sa kanya, makatitipid ang amo niya sa inilabas na kalatas ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng limitadong pangangampanya.
Ang kanyang tugon – “Hindi kuyang, mas napamahal pa nga si boss.”
Dito na niya ikinuwento ang malaking gastos sa social media. Bukod aniya sa mga bayarang trolls na kanyang pinangangasiwaan, pinaglalaanan rin aniya ang pagpapatanggal ng Facebook accounts at pages na kontra sa kanila.
Nang mabasa ko ang pangalang inilaglag ni Gadon na umano’y kasapakat sa planong ‘take down’ ng mga social media accounts ng mga kilalang tagasuporta ng isa pang kandidato sa posisyon ng Pangulo, bigla akong napabulong – hala, totoo pala ang kuwento sa akin ng maldita!
Hindi pipitsugin ang mga inilaglag na pangalan – pawang de kalibre. Kabilang sa kanyang pinangalanan sina Chris Kuzhuppily, Philippine public policy manager ng FB; Roy Tan, politics and government outreach manager for Asia Pacific; at Kylie Mooney, government, politics and advocacy partner manager.
Isang araw makalipas ang pasabog ni Gadon, itinanggi ng Facebook ang umano’y pulong sa kampo ni Robredo.
Sa isang banda, puwedeng tama silang walang naganap na pulong saan mang lupalop ng bansa. Pero dahil sa makabagong teknolohiya, lahat posible na – ang klase sa eskuwela online na, ang mga pagdinig sa korte google meet lang ang katapat, ang sesyon sa Senado at Kamara at ang maging ang cabinet meeting ng Pangulo sa Palasyo virtual na rin.
Hindi ako fan ni Gadon. Ang totoo, asar ako sa kanya dahil sa ginawang lantarang paglapastangan sa isang kapwa peryodista. Pero sa unang pagkakataon, naringgan ko ang kontrobersiyal na abogado ng isang pahayag na wari ko’y may basehan.
Sa ganang akin, hindi angkop na tanggalan ng entablado ang nagsusulong ng kursunadang kandidato. Naniniwala akong ang bawat isa’y may karapatan at kakayahang kumilatis ng may karapat-dapat mamuno ayon sa pamantayang swak sa panlasa ng mga Filipino.