Friday , April 4 2025
NBI Landbank

NBI pasok sa ‘Landbank theft’

PUMASOK na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga insidente ng pagnanakaw sa payroll account ng mga teacher sa Land Bank of the Philippines (LBP).

Naipasa na ng grupong Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang inisyal na listahan ng mga biktima ng Landbank theft sa hepe ng NBI Cybercrime Division na si Atty. Ri Lorenzo, batay sa ipinaskil ni Benjo Basas, TDC national chairperson, na video sa kanyang Facebook account.

Nauna rito’y inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na siyasatin ang reklamo ng mga guro laban sa LBP.

Sinabi ni Basas na nangako ang Department of Education (DepEd) na susuportahan ang mga guro na naghain ng reklamo sa LBP at ipinasa na rin sa government bank ang mga dokumentong isinumite sa kanila ng TDC.

Naniniwala si Basas na hindi sineseryoso ng LBP ang mga reklamo ng mga guro kaya’t iniisa-isa lang nilang tawagan ang mga complainant.

Hanggang kahapon ay dalawa lamang ang naresolba ng LBP, ang isang kaso na nawalan ng P3,000 at isang nanakawan ng P900.

Bagama’t marami sa inisyal na 20 reklamo ang umano’y inimbestigahan ng LBP, lumalabas aniya na ang resulta ng government-owned bank ay wala silang pagkukulang at kasalanan ng mga guro kung bakit nanakaw ang kanilang pera sa payroll account.

“Marami na sa 20 initial ay dumaan na sa investigation ng Landbank , ang nag-imbestiga ay sila rin. Lumalabas na ang resulta ng kanilang investigation ay wala silang pagkukulang at pinalalabas na kasalanan ng teacher. Ninakawan ka na, kasalanan mo pa,” ani Basas.

Naniwala aniya ang mga guro sa inialok na ‘convenience’ ng LBP I-acces o mobile banking system ng government-owned bank kaya’t pumayag na magdeposito ng pera ngunit hindi naman pala ligtas.

“Of course, naniwala po tayo sa offer na convenience ng LBP I-access , mobile banking system ng Landbank kaya naman tayo pumatol. Maganda naman talaga, mabibighani ka, makapagta-transfer ka ng funds kahit nakaupo ka lang kahit madaling araw. Kahit sa emergency situation. Basta may internet ka, papasok mo password, OTP hihingiin ‘yun ng Landbank para ma-access mo ang iyong account ‘yun pala hindi naman ito safe. Hindi pala ito secured,” sabi ni Basas.

“‘Yung phishing na tinatawag ay kasalanan mo, hindi ng Landbank,” dagdag niya.

Kaya’t wala aniyang tiwala ang TDC kung LBP mismo ang mag-iimbestiga sa reklamo ng mga guro laban sa kanila.

“Kailangan malaliman ang imbestigasyon kung Landbank ang mag-iimbestiga olats tayo, siyempre sasabihin ng Landbank wala silang kasalanan,” giit niya.

Nakatanggap aniya ng abiso ang mga guro mula sa LBP na hindi na sa email ipadadala ang One Time Password kapag may online transaction sila kundi sa kanila na lamang cellphone.

“Sa magnanakaw online, wala kang kalaban-laban,” ayon kay Basas.

Nadaragdagan pa aniya ang mga natatanggap na reklamo ng TDC mula sa kanilang mga miyembro na nabiktima ng Landbank theft sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Pagkakaisa panawagan ni Revilla

Pagkakaisa panawagan ni Revilla

NANAWAGAN si re-electionist Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr., ng pagkakaisa sa gitna ng kinahaharap na …

Pamilya Ko Partylist inendoso sa Maynila

Pamilya Ko Partylist inendoso sa Maynila

INENDOSO at suportado nina Manila running councilor Pau Ejercito at Malou Ocsan ang Pamilya Ko …

Shamcey Supsup-Lee

Shamcey-Lee para sa Konseho sa Pasig, dinagsa ng suporta

LUMALAWAK ang suporta ng  kababaihan sa kandidatura  ni Shamcey Supsup-Lee bilang kinatawan ng unang distrito …

MNL City Run Presents Elorde The Flash Run 2025 – Run Like A Champ FEAT

MNL City Run Presents: Elorde The Flash Run 2025 – Run Like A Champ

Unleash Your Inner Champion, Run for a Cause! Get ready to lace up, push your …

Alas Pilipinas Maganda ang simula sa AVC Beach Tour

Alas Pilipinas Maganda ang simula sa AVC Beach Tour

NAGSIMULA ng maganda ang Pilipinas sa Rebisco Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open …