NANINIWALA si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na may mahiwagang kamay na kumukumpas kaya sinasadya ng First Division poll body na hintayin ang kanyang pagbaba sa puwesto sa susunod na linggo para hindi mabilang ang kanyang boto na idiskalipika ang anak ng diktador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“I voted to DQ (disqualify),” ani Guanzon sa panayam ng ABS-CBN.
Pinaboran ni Guanzon ang tatlong petisyon laban kay Marcos dahil naniniwala siya na nahatulan ang anak ng diktador sa isang crime involving moral turpitude, isa sa mga batayan sa disqualification alinsunod sa Omnibus Election Code.
Sa panayam sa News 5 kagabi, ibinunyag ni Guanzon na malinaw na lumabag si Marcos, Jr., sa tax code mula 1982 hanggang 1985 at ito ay crime involving moral turpitude na basehan para siya ay idiskalipika bilang presidential candidate.
Ani Guanzon, mismong abogado ni Marcos, Jr., ay inamin na hindi nagbayad ng multa sa regional trial court ang anak ng diktador.
“It’s moral turpitude na he did not file for four years in that filing of income tax return , he did not pay taxes. He was convicted in court and he was made to pay a fine tapos admitted by his lawyer that he did not pay the fine in the regional trial court,” sabi niya.
Aniya, noon pa sanang 17 Enero 2022 nakatakdang ihayag ang pasya sa DQ case ni Marcos.
Isa si Guanzon sa tatlong miyembro ng First Division ng poll body na magdedesisyon sa consolidated petition laban sa anak ng diktador kaugnay sa 1995 tax evasion case conviction.
Kabilang sa First Division sina Commissioners Aimee Ferolino at Marlon Casquejo.
Ang mga petisyon ay magkakahiwalay na inihain ng martial law survivors sa pangunguna ni Bonifacio Ilagan, Akbayan party-list, at Abubakar Mangelen.
Ani Guanzon, si Ferolino ang ponente o ang commissioner na itinalagang mag-akda ng desisyon.
“The ponente, who has the duty to write the resolution, 16 days na hindi pa niya inilalabas, e may agreement naman kami na Jan. 17 ilabas,” paliwanag ni Guanzon.
“Ibig sabihin may political interference kasi obvious ba hindi na siya sumasagot sa telepono niya, ayaw na niya talaga sumagot,” ani Guanzon.
Sa isang kalatas, pinuri ng Akbayan ang pahayag ni Guanzon.
“Comm. Guanzon’s vote also gives us hope that there are more voices inside the Comelec that do not believe in, or at the very least, doubt the electoral qualification of Bongbong,” anang grupo. (ROSE NOVENARIO)