PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
NAGTAKA at nabigla ang maraming Gameboys fans at supporters kung bakit nawala na at hindi na nila napapanood sa YouTube ang season one ng sikat na Pinoy BL series.
Kaya sa pamamagitan ng isang tweet ay nagpaliwanag si Direk Perci Intalan ng The IdeaFirst Company, ang producer ng Gameboys.
“Ok I will explain now why Gameboys S1 is no longer on YT. YouTube won’t allow us to geoblock. And unfortunately that’s a necessity for Gameboys to be licensed around the world. So we had no choice but to take everything down. YouTube, paano na?” paglilinaw ni Direk Perci.
Ayon sa nakuha naming kahulugan, “Geoblocking is a practice of restricting access to content (website, video, service) depending on the geographical location of the user.”
Nakikipag-usap na kasi ang IdeaFirst sa mga producer sa iba’t ibang panig ng mundo upang maipalabas ang Gameboys season one sa ibang mga bansa with subtitle o dubbed sa kanilang language. Kaya kailangan munang tanggalin ng IdeaFirst sa YouTube ang Gameboys S1 dahil hindi sila binigyan ng permiso na mag-geoblock. Napapanood pa rin naman sa Netflix dito sa Pilipinas ang Gameboys S1.
Samantala, umaani ng magagandang reviews at feedbacks mula sa mga Japanese ang Gameboys The Movie simula nang ipalabas ito sa mga sinehan sa Japan noong January 21.
Tuwang-tuwa nga si Direk Perci sa kanyang tweet, “Reading all these comments translated reminds me of that Gameboys magic! Thank you Japan! And congratulations to the Gameboys team and the Gameboys global family!”