NAABO ang halos 50 kabahayan sa bayan ng Sta.Maria, sa lalawigan ng Bulacan, matapos sumiklab ang malaking sunog, nitong Miyerkoles ng hapon, 19 Enero.
Naganap ang insidente ng sunog sa Sitio Tabing Ilog Villarica, Brgy. Poblacion, sa naturang bayan.
Sa panimulang imbestigasyon ng mga tauhan ng Sta. Maria Bureau of Fire Protection at batay sa pahayag ng ilang testigo, nagsimula ang sunog sa isang bahay kung saan may mga batang naglalaro ng apoy at biglang nasilaban ang nakatabing na kurtina.
Naitalang nagsimula ang sunog dakong -3:00 pm, na mabilis na kumalat sa mga katabing bahay dahil sa malakas na bugso ng hangin.
Nagtulong-tulong ang mga bombero mula sa mga kalapit na bayan hanggang ganap na maapula ang apoy bago mag-7:00 pm.
Sa taya ng local government unit, may 67 pamilya ang naging biktima ng sunog o kabuuang 300 residente na ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa mga itinayong tent.
Kasalukuyan pang inaalaman ng Sta. Maria Bureau of Fire Protection ang halaga ng naging pinsala sa naturang sunog. (MICKA BAUTISTA)