PATAY ang isang holdaper, samantala sugatan ang isang pulis, sa naganap na enkuwentro sa Sitio Boundary, Brgy. Caalibangbangan, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Miyerkoles, 19 Enero 2022.
Sa ulat kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang napatay na suspek sa alyas na Tolits, samantala ang nasugatang pulis ay si Pat. Aizar Hajar, kasalukuyang nakatalaga sa Sta. Maria Municipal Police Station (MPS) sa Bulacan.
Ayon sa ulat mula sa Sta. Maria MPS, nagsagawa ng dragnet operation ang intelligence operatives ng Cabanatuan CPS bilang lead unit, katuwang ang Sta. Rosa Police Stations, NEPPO, Sta. Maria Municipal Police Station, BULPPO, Intel Operatives ng Provincial Intelligence Unit, NEPPO, at Nueva Ecija Criminal Investigation and Detection Team, matapos nilang maispatan ang isa sa mga suspek na sangkot sa serye at mga insidente ng robbery hold-up sa mga convenience stores sa Brgy. Mabini Extension, sa nabanggit na lungsod, dakong 7:15 am, at sa Brgy. Isla, bayan ng Sta. Rosa, dakong 1:47 pm, kamakalawa.
Napag-alaman noong 27 Oktubre 2021, sangkot ang mga naturang suspek sa naganap na robbery hold-up sa Centro, Brgy. San Jose Patag, Sta. Maria, Bulacan.
Tinugis ang mga suspek matapos makitang sumakay sa magkaibang motorsiklo malapit sa Sitio Boundary, Brgy. Caalibangbangan, Cabanatuan.
Nang paparahin na sila ng mga pulis, agad nagpaputok si alyas Tolits kaya napilitang gumanti ang mga awtoridad na naging sanhi ng agad na kamatayan ng suspek.
Nadakip ang dalawang kasamahan ng napatay na suspek na kinilalang sina Christian Soro, isang helper; at Reymark Hipolito, truck driver, kapwa ng Brgy. Samon, Cabanatuan.
Sa kasamaang palad, tinamaan sa enkuwentro si Pat. Hajar na isinugod sa Premiere General Hospital upang lapatan ng lunas na ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang isang Glock 9mm pistol, isang hand grenade, mga basyo, mga pakete ng hinihinalang shabu, itim na helmet, backpack, isang itim na Yamaha Aerox motorcycle, isang pulang Honda Click 125cc motorcycle, at iba pang mga nakaw na kagamitan.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Cabanatuan CPS ang mga arestadong suspek habang inihahanda ang pagsasampa laban sa kanila ng mga kaukulang kaso. (MICKA BAUTISTA)