BINAWIAN ng buhay ang isang ginang nang banggain ng isang van ang sinasakyang tricycle ng kanyang pamilya sa lungsod ng San Jose, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Lunes, 17 Enero 2022.
Sa ulat mula sa San Jose CPS, kinilala ang biktimang si Anita Ecleo, 53 anyos, samantala sugatan ang kaniyang mister na si Joseph, pati ang isa nilang anak at isa pang kasama.
Batay sa kuha ng CCTV camera na hawak ng pulisya, nakitang tumawid sa intersection ng Maharlika Highway ang tricycle na minamaneho ni Joseph nang bigla silang salpukin ng humaharurot na van.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tricycle, pero hindi nakita sa CCTV na tumilapon din palabas ang mga sakay nito.
Ayon sa isang anak ng biktima na si Honie, pauwi ang kaniyang mga magulang at kapatid nang mangyari ang insidente.
“Dadaan lang, bibili ng tinapay. ‘Yung truck napalampas pa nila, nalingon ni Papa sa kaliwa, sa kanan nakita naman niyang malayo pa ang van. Hindi naman niya sukat akalain na maabutan pa sila ng van,” kuwento niya.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na parehong hindi nag-menor ang dalawang sasakyan sa naturang crossing.
“Approaching main road, dapat titingnan niya muna bago siya mag-proceed. ‘Yung driver ng tricycle ay PWD, iisa ‘yung mata. Tapos may edad na rin si Tatay. Matulin din ‘yung van, ‘yon lang ang isang pagkakamali ng van,” pahayag ni P/Cpl. Jefferson Cantor, imbestigador ng San Jose CPS.
Bukod sa pagkakaroon ng kapansanan sa mata, napag-alaman na wala rin pinanghahawakang lisensiya ang driver na PWD.
Samantala, pansamantalang nakalaya ang driver ng van matapos magbigay ng inisyal na tulong pinansiyal at nangakong tutulong sa gastusin sa pagpapalibing sa namatay na ginang. (MICKA BAUTISTA)