ni ROSE NOVENARIO
MATAPOS maperhuwisyo ang daan-daang manggagawa na hindi pinayagan sumakay ng mga awtoridad sa pampublikong sasakyan sa nakalipas na dalawang araw, inilinaw kahapon ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Labor Employment (DOLE) na hindi sakop ang mga manggagawa sa naturang patakaran.
Sinabi kahapon ng DOTr at DOLE na kailangan ipakita ng obrero mula sa formal sector ang kanyang company ID o employment contract bilang patunay na essential ang kanilang pagbiyahe.
Habang sa manggagawa mula sa informal sector ay magpakita lamang ng barangay ID o identification card mula sa kinaanibang organisasyon.
“Dapat more information drive for DOTr na ‘yung ‘no vax, no ride policy’ it does not apply to our workers. So maliwanag naman ‘yan, rendering essential services, so they are exempted from the coverage of the no vax, no ride policy,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III sa Malacañang press briefing kahapon.
Nanawagan si Bello ng mas maigiting na information campaign hindi lang sa publiko kundi sa mga naatasang magpatupad ng ‘no vax, no ride policy.’
Iginiit ni Bello na dapat pasakayin sa public transport ang naturukan na ng first dose.
Kasama rin sa lusot sa kontrobersiyal na patakaran ang mga indibiduwal na hindi puwede bakunahan dahil sa kondisyong medical basta makapagpakita ng medical certificate.