RATED R
ni Rommel Gonzales
SA pag-renew ng kontrata ng Eat Bulaga sa GMA Network kamakailan, binalikan ni Alden Richards ang mga aral na naituro sa kanya ng programa at kung paano ito nakatulong sa kanyang buhay at showbiz career.
Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Alden na pitong taon na siyang bahagi ng Eat Bulaga.
Pero hindi niya napapansin ang mabilis na pagdaan ng taon lalo na kung nai-enjoy niya ang kanyang ginagawa.
Para kay Alden, nahawa siya sa prinsipyo ng Eat Bulaga pagdating sa pagtulong sa mga tao.
“Ang objective talaga minsan kapag pumapasok kami sa show hindi na work, aside from the fact na we considered ‘Eat Bulaga’ as second home pero ‘yung marami kaming mapapasaya na dabarkads at marami kaming matutulungan,” ayon sa aktor.
Sabi pa ni Alden, malaki ang nabago sa buhay niya sa nakalipas na pitong taon, “at malaking bahagi po roon ang ‘Eat Bulaga.’”
Samantala, sinabi naman ni Ryzza Mae Dizon na kabilang sa natutunan niya sa pagiging EB dabarkads ang patuloy na mangarap.
“Tuloy-tuloy lang po ang pangarap mo… sa pag-abot sa pangarap. Kasi ang ‘Eat Bulaga’ po ang tumupad sa lahat ng pangarap ko,” anang dating sumali sa Miss Little Philippines contest ng programa.
Si Allan K naman, natutunan sa Eat Bulaga ang tumulong ng walang hinihintay na kapalit.
“Kapag nagbigay ka sa mga viewer ‘wag kang mag-expect ng something in return. Kasi sa totoong buhay, kahit wala ka sa tv, kapag nagbigay ka… bigay mo buong puso. ‘Wag kang mag-expect ng anik-anik kasi hindi na ‘yon makatotohanan,” paliwanag niya.