Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Untouchable sa Palasyo

PROMDI
ni Fernan Angeles

HINDI na bago ang kalakaran ng paggamit ng impluwensyang kalakip ng puwesto sa gobyerno, bagay na minsan pang ipinamalas ng retiradong heneral na mistulang pader sa Palasyo.

Siya si dating Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas, isang matikas na heneral na ‘di kayang tibagin anuman ang bulilyaso. Patunay nito ang mga eskandalong kinasangkutan sa kasagsagan ng pandemya — panahong sukdulang higpit ang pagpapatupad ng mga panuntunang inilatag ng Inter-Agency Task Force bilang pag-iingat laban sa nakamamatay na karamdaman.

Sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng PNP naganap ang unang bugso ng digmaan laban sa mga pinaniniwalaang kalaban ng pamahalaan — mga komunista kung tawagin nila. Kabilang sa mga operasyon ng PNP sa ilalim ng kanyang pamumuno ang malawakang operasyon kontra komunismo — sukdulang umabot sa puntong patayan dito, patayan doon dahilan para dumulog ang mga naulila ng mga pinaslang na tao.

Nang magretiro, itinalagang Undersecretary sa Tanggapan ng Pangulo.

Habang prente sa Palasyo, lumabas ang resulta ng imbestigasyon sa mga operasyon ng PNP na noo’y pinamumunuan ni Debold. Tanging si Sinas lang ang hindi isinama sa kasong kriminal na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 17 opisyal at operatiba kaugnay ng tinaguriang Bloody Sunday” na kumitil sa siyam na aktibista, kabilang ang mag-asawa sa Nasugbu, Batangas Marso 2021.

Bagamat karaniwang pasok ang pinuno sa bulilyaso ng grupo – batay sa doktrina ng command responsibility – sadyang mahirap para sa NBI ang kasuhan ang isang retiradong heneral na iniluklok ng Pangulo sa Palasyo.

Ang siste, kombinsido ang NBI na sadyang pakay ng operasyon ang paslangin ang dalawa sa siyam na aktibistang target ng PNP, pero dahil nga nasa poder ano pa nga naman ba ang puwede nilang gawin kundi isakripisyo na lang ang mga operatibang tanging kasalanan ay sumunod sa direktiba ng punong tagapagpaganap ng pulisya.

Ayon sa NBI, bagamat lehitimo ang sabayang operasyon sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon, hindi angkop na magkubli ng kanilang mukha ang mga operatiba gamit ang bonnet. Mali rin anilang tao ang hanapin sa halip na ebidensiya, batay na rin sa takda ng bitbit na search warrant.

Malinaw rin sa pagsisiyasat ng NBI na ang mga biktima ay malapitang pinutukan habang nakaluhod batay na rin sa direksiyon ng balang tumama sa mag-asawang aktibista.

Oo, sadyang pinatay ang mga aktibista! Ang totoo, ‘di naman aabot sa sukdulang pamamaslang ang operasyon kundi rin lang iniutos ng mga nakaposisyon.

Dapat bang ikanta na lang ng mga operatibang isinakripisyo ang nag-utos na pinuno? Puwede naman, kaya lang posible rin malagay sila at ang kanilang pamilya sa peligro sa sandaling maging chartbuster ang kanilang tono.

Kaya kung ako sa mga nakasuhan, bunuin na lang ang nagbabadyang mahaba-habang bakasyon sa bilangguan.

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …