NAKORNER ng mga awtoridad ang tatlong pinaniniwalaang tulak ng ilegal na droga at nasamsam ang hindi kukulangin sa P1.7-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang anti-illegal drug operation sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado ng umaga, 15 Enero.
Ayon kay PRO3 Regional Director P/BGen. Matthew Baccay, nagkasa ang magkakatuwang na operating troops ng Regional Police Drug Enforcement Unit 3, Special Concern Unit 3 – Regional Intelligence Division at Mabalacat CPS ng buy bust operation sa Brgy. Sta Maria, sa nabanggit na lungsod na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek na kinilalang sina Alvin Cortez, Rosalinda Dizon, at Orlando Cortez, pawang mga residente sa Xevera Subdivision.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong pirasong nakabuhol na selyadong plastic bags na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 250 gramo sa DDB value na P1,700,000; isang passbook; isang driver’s license; isang Vivo cellphone; isang timbangan; isang body bag; dalawang pirasong genuine P1,000 bill; at isang pulang Toyota Vios.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inihahanda para ihain sa korte.
(MICKA BAUTISTA)