MAGKAKASUNOD na pinagdadampot ng pulisya ang 10 kataong pawang lumabag sa batas sa inilatag na magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo, 16 Enero.
Sa ikinasang anti-illegal gambling operations sa Meycauayan at San Rafael, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Marvin Varilla ng Brgy. Maronquillo, San Rafael; Herminio Dela Cruz ng Brgy. Talacsan, San Rafael; Gary Benedict Fabros, alyas Nicko, Jerman Dave Flores, alyas Meng, at Cyril Abiador, alyas CY, pawang mga residente sa Bagong Silang, Caloocan City.
Dalawa sa kanila ay nadakma matapos maaktohan sa tupada samantala natutop ang tatlo sa pagsusugal ng cara y cruz.
Narekober sa mga suspek ang mga manok na panabong, tari, tatlong pirasong pisong barya na ginagamit sa cara y cruz, at perang taya sa sugal na pawang gagamitin bilang ebidensiya.
Gayondin, arestado ang apat pang mga suspek nang magresponde ang mga awtoridad sa iba’t ibang insidente ng krimen na naganap sa mga bayan ng Plaridel, Marilao, at Sta. Maria.
Kinilala ang mga suspek na sina King Hero Gutierrez ng Brgy. San Vicente, Sta. Maria na inaresto sa pananakit sa kanyang live-in partner at anak (paglabag sa RA 9262); Jeoven Sausa at Jhorilyn Estado, kapwa mula sa Brgy. Camalig, Meycauayan, na parehong inaresto sa mga kasong Theft at Qualified Theft; at Ronaldo De Guzman ng Brgy. Bulihan, Plaridel para sa mga kasong Malicious Mischief, Alarm and Scandal at paglabag sa Comelec Resolution No. 10728 (carrying of bladed weapon).
Mga naaangkop na reklamong kriminal laban sa mga arestadong suspek ang inihahanda para ihain sa korte.
Samantala, sa isinagawang manhunt operation ng mga elemento ng Pulilan MPS at mga operatiba ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), nasakote si Marvin Fuentes ng Brgy. Taal, Pulilan na lumabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kanyang arresting unit/station ang akusado para sa naaangkop na disposisyon.
Ayon kay Bulacan PPO Director P/Col. Rommel Ochave, ang pulisya sa lalawigan kahit nasa gitna ng pandemya ay wala pang humpay sa pinaigting na operasyon laban sa lahat ng uri ng krimen upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan dito.
(MICKA BAUTISTA)