SA MAAGAP na responde ng mga awtoridad, agad nadakip ang dalawang kawatang bumibiktima sa isang establisimiyento sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 15 Enero.
Sa ulat mula sa Marilao Municipal Police Station (MPS) na pinamumuan ni P/Lt. Col. Rolando Gutierrez, kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Rodel Torres, security guard ng AFES Security Agency, at kanyang kasabwat na si Jopphe Naval, kapwa residente sa Pook Luwasan, Brgy. Loma de Gato, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na sangkot si Torres sa mga serye ng nakawan sa loob ng binabantayang lugar kung saan nakunan siya sa CCTV na tangay-tangay ang apat na piraso ng hard disk para sa CCTV na may halagang P45,540.
Sinabi sa ulat, ginagawa ng suspek ang pagnanakaw habang siya ay naka-duty sa pagbabantay sa establisimiyento na lingid sa kanya ay pinalagyan ng CCTV ng may-ari.
Nang maaresto si Torres, itinuro niya ang kasabwat na si Naval na nadakip sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Marilao MPS kung saan narekober ang dalawa sa apat na ninakaw na hard disks.
Nakakulong na ang bantay-salakay na sekyu at kanyang kasabwat sa Marilao MPS Jail habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
(MICKA BAUTISTA)