NAGWAKAS ang ilegal na gawain ng isang 70-anyos lola na pagbebenta ng ilegal na droga nang masakote siya at ang kaniyang kasabwat sa inilatag na drug bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 15 Enero.
Sa ulat kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Angelita Ramos, alyas Lita, 70 anyos, ng Brgy. Abangan Norte, Marilao; at Emmanuel Encio, alyas Rocky, 46 anyos, ng St. Louis Compound 3, Malinta, Valenzuela City.
Dinampot ang dalawa matapos mahulihan ng tinatayang P222,360 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Marilao Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Poblacion 1, sa nabanggit na bayan dakong 11:30 pm, kamakalawa.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong piraso ng selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 32.7 gramo at Dangerous Drug Board (DDB) value na P222,360 at buy bust money.
Nabatid na labas-masok sa kulungan si alyas Lita na ayaw umanong tumigil sa pagbebenta ng ilegal na droga kasama ang kasabwat na si alyas Rocky na siyang supplier.
Kasalukuyang nakadetine dalawang suspek sa Marilao MPS Custodial Facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.
(MICKA BAUTISTA)