ni ROSE NOVENARIO
PINAGBIBITIW o pinagbabakasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay na hindi bakunado kontra CoVid-19.
Itinuturing ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na kahihiyan sa kampanya ng pamahalaan laban sa CoVid-19 ang barangay executives na hindi bakunado dahil sila ang inaatasan na magpatupad ng patakaran na nagtatakda ng limitasyon sa mga hindi bakunadong residente.
“Kung talagang hindi pa bakunado, puwede naman kayo (barangay captains) mag-resign o kaya mag-leave kayo hangga’t hindi tapos ang CoVid-19. Nakahihiya kayo. Biro ninyo, kayo ang magpapatupad ng batas tapos kayo pala ‘di bakunado,” ani Diño sa panayam sa Super Radyo DZBB.
Giit niya, puwedeng arestohin ang mga opisyal ng barangay na ayaw magpabakuna alinsunod sa mga umiiral na ordinansa ng lokal na pamahalaan.
Nauna nang hinimok ni Dino ang mga kapitan ng barangay na magpagawa ng tarpaulin na nakalagay ang larawan ng kanilang pagpapabakuna upang maging huwaran ng kanilang nasasakupan.