HATAWAN
ni Ed de Leon
WALA halos balita sa showbiz. Talagang bagsak ang industriya at natanggap na nga nila iyon na walang kumita isa mang pelikula sa ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF). Kaya nga nag-announce sila ng nanalo ng awards, pero ang hinihintay na report kung sino ang top grosser ay tahimik sila, paano wala namang “gross.”
Ang nagpapatuloy lang ay ang mga maliliit na indie na matagal nang tapos, na wala naman halos kasamang mga artistang may pangalan at ipinalalabas lamang sa internet dahil tiyak din namang malulugi lang kung ipalalabas pa sa mga sinehan.
Hindi na rin umepekto ang mga pralala nila sa Facebook. Nahahalata kasi ng mga tao na ang inilalabas ng mga bayarang pralala na grabe kung pumuri kahit na sa mga pangit na pelikula ay puro bola lang.
Panahon na nga siguro para seryosohin nilang muli ang paggawa ng pelikula. Iyong kikita naman sana ang gawin nila at hindi iyong puro kahalayan lamang.