NASAKOTE ng Bulacan PNP ang isang akusado sa kasong Murder sa bayan ng Angat, at isang lumabag sa Omnibus Election Code sa lungsod ng Meycauayan, parehong sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 12 Enero.
Iniulat ni P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PNP, nagsagawa ng hot pursuit operation ang Angat MPS, na ikinadakip ng suspek na kinilalang si Marlon Binavice, 42 anyos, tricycle driver, ng Brgy. Pulo, San Rafael, Bulacan, may kasong Murder.
Sa imbestiagsyon, bago ang insidente, naunang nagtalo ang biktima at suspek kaugnay sa parking area sa harap ng bahay ng biktima.
Nang bumalik, armado na ang suspek ng kalibre .38 revolver saka binaril ang biktima nang ilang beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na nagging dahilan ng kanyang kamatayan.
Nakompiska mula sa suspek ang isang .38 Smith and Wesson revolver na kargado ng bala, at isang motorsiklong Maton CPI, walang plaka.
Gayondin, sa paglabag sa Omnibus Election Code, RA 10591, RA 10054, kilala bilang Motorcycle Helmet Act of 2009 at Resistance and Disobedience Art. 151 of RPC ang isinampa laban sa isa pang suspek na kinilalang si Patrick John Aguinaldo, 47 anyos, ng Brgy. Pandayan, Meycauayan.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ang Meycauayan PNP ng dragnet operation sa bahagi ng Gulod Road, Brgy. Camalig, sa nabanggit na lungsod matapos makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen na may tumutok sa kanya ng baril sa Brgy. Malhacan.
Inilarawan ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklong Yamaha NMAX YCONNECT, walang plaka, nakasuot ng itim na jacket, walang helmet, at patungo sa bahagi ng Brgy. Camalig.
Pinahinto ng mga pulis ang suspek sa itinalagang dragnet location hanggang tuluyang inaresto.
Nakuha mula sa suspek ang isang selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 Smith & Wesson revolver, walang serial number, kargado ng bala, isang motorsiklong Yamaha NMAX YCONNECT, na kulay abo, walang plaka.
Nabigo ang suspek na magpakita ng firearm license, PTCFOR at COMELEC exemption sa gun ban order. (MICKA BAUTISTA)