HINDI nakapalag sa mga awtoridad ang isang consignee ng mga padala mula sa Henderson, Nevada, United States of America (USA) nang arestohin ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), matapos dumating ang kargamento sa Bureau of Customs (BoC) Clark, Pampanga nitong Miyerkoles, 12 Enero 2022.
Bulto-bultong pinaniniwalaang shabu ang tumambad sa mga ahente ng kagawad nang hindi makapasa sa BoC at PDEA K9 Unit ang ‘padala’ mula sa Nevada na idineklarang mga panulat ang laman tulad ng marker pens.
Nang hindi makapasa sa K9, isinailalim sa profiling at physical examination ang ‘padala’ na natuklasang naglalaman ng walong pirasong Expo Marker Pens, isang pack ng Dart Flights, isang pack ng magazine na may tatak na “Pop Boys” na pinagtataguan ng tatlong self-sealing transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang self-sealing transparent plastic na may tatak na black label brand, pinagsususpetsahang liquid Marijuana.
Agad nag-isyu si District Collector Alexandra Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), & 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng R.A. 10863, kilala rin sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasunod nito, ikinasa ang controlled delivery operation nitong 12 Enero ng pinasanib na puwersa ng PDEA, CAIDTF, ESS at CIIS sa address ng consignee sa Quezon City. Naaresto ang claimant ngunit hindi pa ibinunyag ang pangalan.
Ang illegal drugs na nagkakahalaga ng P90,000 ay ipinasa sa PDEA para sa disposisyon habang ang claimant ay isasailalim sa inquest proceedings.
Samantala, inilipat sa pangangalaga ng PDEA ang mga kompiskadong kontrabando. (MICKA BAUTISTA)