HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPUNTA sa US sina Aga Muhlach at Charlene Gonzales noong Kapaskuhan para makasama sa bakasyon ang anak nilang lalaking si Andres, na nag-aaral naman sa Spain. Nasa bakasyon sila nang unang makaramdam ng symptoms si Charlene, at matapos ngang makapagpa-test, lumabas na siya ay Covid positive. Hindi nagtagal ay nakadama na rin ng symptoms si Aga, kaya sabay na ang kanilang ginawang isolation.
Ibinalita naman ni Aga sa kanyang social media account na hindi rin naman sila nahirapan dahil may isang grupo ng mga doctor na Filipino na tumulong sa kanila. Mabuti rin naman at hindi nahawa ang anak nilang si Andres hanggang sa magbalik iyon sa Spain para ituloy ang kanyang pag-aaral.
Sa ngayon ay nagpapagaling pa ang mag-asawa at naghihintay sila ng clearance mula sa kanilang doctor na wala na nga silang sakit at maaari nang magbiyahe pabalik sa Pilipinas. Inaalala rin naman nila ang anak nilang babaeng si Atasha, na naiwan dito at hindi naman nila inaasahang malalayo nga sila ng matagal. Eh nagkasakit sila at hindi nga maaaring bumiyahe.
Iyan ang problema ngayon ng pagpunta sa abroad, lalo na nga sa US na mas mataas at mas matindi pa ang kaso ng Covid kaysa rito sa atin. Maraming nagbiyahe, at hindi inaasahang nahawa rin. Ang masakit pa, may mga bumiyahe na hindi naman nag-iisip na sila ay mahahawa at mahaharap sa malaking gastos. Kaya nasa abroad na nga sila, wala pa silang pera at malaking problema iyon. Suwerte nga nina Aga na hindi naman kinapos ng pera kahit na nasa abroad.
Kaya nga sa panahong ito, sinasabing hindi practical ang magbiyahe dahil ang umiiral na pandemya ay pandaigdig at hindi ka nakasisiguro sa sitwasyon ng bansang pupuntahan mo. Lalo na nga ang US dahil doon ay mas maraming anti-vaxxer, bukod nga sa mga ayaw pang magsuot ng face mask.
Talagang na panahon ngayon, wala nang mas mabuti pa kundi manatili sa sarili mong bayan, na alam mo more or less kung ano ang totoong sitwasyon, makapag-iingat ka nang husto at kung sakali mang magkasakit ka ay alam mo na kung saan ka pupunta at ano ang gagawin mo.