RATED R
ni Rommel Gonzales
THANKFUL si Glaiza De Castrona nabigyan kaagad siya ng bagong TV project matapos ang kanyang viral afternoon drama na Nagbabagang Luha.
October 2021 natapos umere ang Nagbabagang Luha sa GMA Afternoon Prime. Nakapagbakasyon pa ang aktres sa Europa kasama ang Irish fiancé niyang si David Rainey, at nang umuwi noong Nobyembre ay nag-shoot agad siya para sa bagong primetime mini series na False Positive.
Kung pinaiyak ng binansagang “Asia’s Fire of Drama” ang mga manonood sa previous niyang soap, tiyak na relaxed at feel-good lang ang atake ng kanyang bagong TV project na kanilang pagbibidahan ni Xian Lim.
Pero, ayon kay Glaiza, hindi naging madali ang pag-deliver niya sa kanyang role sa romcom series dahil malayo ito sa mga nakasanayan niyang karakter sa TV.
Buti na lang at generous ang kanilang direktor na si Irene Villamor, na direktor din ng dating GMA romcom series na Destined To Be Yours (2017) at Love You Two (2019). Si Direk Irene rin ang direktor ng hit 2016 comedy drama film na Camp Sawi.
“Ang laki rin ng adjustments and super grateful ako kay Direk Irene [Villamor] kasi, actually, makulit din talaga siyang tao so na-break nga ‘yung walls kasi kapag nagdidirehe siya, minsan inaarte niya, minsan matatawa ka na lang sa kanya.
“So naiintindihan ko na dapat doon papunta kasi minsan magho-hold back pa ko eh, si Xian hindi siya nagho-hold back sa mga pa-adlib niya.
“Hindi siya nagho-hold back sa kung ano ‘yung gagawin niya. Kahit hindi masama sa edit gagawin niya. I mean, ganoon siya katapang na tao,” bahagi ni Glaiza sa panayam ng GMANetwork.com sa isang virtual media conference.
Nakatulong din ang pagiging open sa suggestions ni Direk Irene para madaling makapag-adjust ang dramatic actress.
Dugtong ni Glaiza, “Bilang artista, nasanay ako sa bilang na bilang, tapos mata-mata lang.
“Medyo melodramatic pa ‘yung atake ko sa ibang eksena pero noong nag-uusap nga kami ni Direk Irene, sabi ko, ‘why don’t we play around with melodrama na parang parody ng mga ginawa ko ring dramatic scenes so gamitin natin ‘yon para baka lang mag-work’ and it worked.
“May isang eksena na parang tribute sa mga Filipino film. Noong araw na ‘yon pagod na pagod ako hindi dahil sa ginawa namin, kundi sa kakatawa.”
Gaganap sina Glaiza at Xian bilang newlyweds na sina Yannie at Edward Dela Guardia sa False Positive.
Masusubok ang samahan ng mag-asawa nang dahil sa isang magical curse na involved ang mythical characters na sina Malakas at Maganda na gagampanan nina Buboy VIllar at Herlene “Hipon” Budol.
Tampok din sa serye sina Nova Villa, Tonton Gutierrez, Rochelle Pangilinan, Dominic Roco, at Yvette Sanchez.
Mapapanood ang False Positive soon sa GMA Telebabad.