AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
ARAW-ARAW (sa ngayon) tumataas ang kaso ng nahahawaan ng CoVid-19 Omicron variant. Bagamat sinasabing mild lang ang tama nito, at maraming doctor na nagsasabi na madaling magpagaling sa Omicron, hindi maiwasan ang mabahala.
Siyempre, kahit pa ba mild lang ang tama ng Omicron kaysa Delta, nakababahala pa rin ito – virus pa rin ito lalo na’t pati ang mga fully vaccinated ay nahahawaan pa rin.
Kunsabagay, noon pa man ay sinabi na’ng kahit bakunado ka na ay mahahawaan ka pa rin ng “veerus” lamang, hindi hahantong sa malalang kalagayan. Hindi tulad ng mga hindi pa nababakunahan– umaabot sila sa ICU.
Kaya, kahit na paano ang mga bakunado ay masasabing ligtas pa rin kompara sa non-vaccinated.
Ewan ko ba kung bakit marami pa rin ang natatakot na magpabakuna – kesyo marami na raw kasing namatay kahit na bakunado. Naku iho/iha, may ibang dahilan kung bakit namatay ang ilan sa bakunado – siyento por siyentong hindi ang pagbakuna sa kanila ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
E kung nakamamatay at mas peligro dulot ng pagbabakuna, e ‘di nangamatay na sana ang lahat na nabakunahan na.
Kanya-kanyang katuwiran ang mga ayaw magpabakuna – anyway, karapatan ninyo iyan pero isipin na lamang sana ninyo ang inyong pamilya o mga mahahawaan kapag kayo ay nagpositibo sa virus.
Ngayon, napakaraming stock ng iba’t ibang klase ng bakuna sa bansa at ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mabakunahan ang lahat ng Pinoy pero ano, sadyang marami pa rin ang matigas ang ulo.
Katunayan, nandiyan iyong programa ng pamahalaan na national vaccination day, dalawang beses ginawa ito pero, ewan ko ba kung bakit marami pa rin ang hindi nanamantala sa programang ito. Kesyo abala sa trabaho o sayang ang kita samantalang may kautusan ang DOLE sa mga employer na babayaran pa rin ang mga manggagawa na hindi papasok sa araw ng pagbakuna noong national vaccination day pero, ang resulta marami pa rin ang hindi nagpabakuna o hindi namantala sa mga araw na iyon.
Bakit kaya marami pa rin manggagawa na hindi namantala sa dalawang beses na national vaccination day noon o hanggang ngayon sa kabila ng napakarami nang stock na bakuna?
Kabilang sa mga hindi bakunado ngayon o hindi nanamantala sa national vaccination day ay mga pumapasok sa construction, mga karpintero, mason etc.
Bakit? Heto ang katuwiran ng ilan sa nakausap natin – no work, no pay daw kasi sila. E sabi ko, noong vaccination day/s, puwedeng hindi pumasok at kayo ay babayaran pa rin ng inyong mga amo basta ipakita lang ang patunay na “vaccination card” na kayo ay nagpabakuna.
Sagot naman nila, wala sa amin ang ganyan – bale absent daw ang mangyayari, Kaya, hindi na sila nagpabakuna sa kabila ng gusto naman nila ang mabakunahan.
Tinutukoy natin na construction workers ay iyong hindi hawak ng mga construction firm.
Kaya ang suhestiyon ng mga workers na isang kahig, isang tuka, kung maaari ay ilapit na lang sa kanila ang bakuna – puntahan sila sa construction site at doon mismo turukan.
Puwede ang suhestiyon pero siyempre, mangangailangan ng karagdagang tauhan ang pamahalaan. Iyon bang pasukin ng mga LGU ang mga construction site – gumagawa ng residential building para turukan ang mga namamasukan dito – karpintero at iba pa.
Ewan ko na lang kung ano pa ang kanilang idahilan kapag ginawa ito.
Sa suhestiyon ito, tanging pag-asa na magpaimplementa sa pagbabakuna sa construction site ay ang Department of Interior and
Local Government (DILG) na pinamumunuhan ni Sec. Año – magbaba ng direktiba sa LGUs na pasukin ang mga subdivision para ‘lusubin’ ang mga construction site at saka turukan ng bakuna ang mga workers.
Why not Sec. Año? Puwede po natin gawin ito bilang tulong na sa mga ‘isang kahig, isang tuka’ na construction workers. Pag-aralan po ninyo ang suhestiyon na ito Ginoong Kalihim.