MAYNILA — Kasunod ng opinyon ng isang infectious disease expert na naniniwalang mayroon nang community transmission ang Omicron severe acute respiratory syndrome-coronavirus 2 (SARS-CoV-2) variant, nanawagan sa publiko si PROMDI presidential aspirant Emmanuel “Manny” Pacquiao na manatiling kalmado ngunit maingay ukol sa ibang taong kanilang nakasasalamuha dahil maaari pa rin silang dapuan ng sakit kahit kompleto ang bakuna nila.
Batay sa payo ng mga eksperto sa kalusugan, sinang-ayunan ni Pacquiao ang opinyon ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng vaccine expert panel ng pamahalaan, na nagsabing “sa pagbibigay konsiderasyon sa kasalukuyang sitwasyon na malaking bilang ng mga tao ang nagpositibo sa maikling panahon, nabunsod siyang sabihin na mayroon nang community transmission ang Omicron variant.”
Habang hindi pa nagbibigay ng kompirmasyon si Solante, hepe rin ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine unit ng Ospital ng San Lazaro Hospital at miyembro ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology (DoST), hinihintay pang pormal na ihayag ng Department of Health ang transmisyon ng bagong CoVid-19 strain sa mga komunidad.
Ngunit batay sa mga guideline ng World Health Organization (WHO), ang kalikasan ng mga impeksiyon ay kailangan munang makamit ang tatlong criteria bago madeklarang mayroon ngang community transmission: Dapat may malaking bilang ng mga kaso na walang kaugnayan sa mga transmission chain, may indikasyon ng pagtaas ng mga kasong nakita sa pamamagitan ng laboratory surveillance, at mga multiple unrelated cluster sa maraming lugar sa bansa.
Sa kabila nito, itinuloy ni Pacquiao ang kanyang kahilingan sa mamamayan at mga opisyal ng gobyerno na maging mapagmatiyag at bigyang halaga ang epekto ng krisis pangkalusugan sa buong bansa, Lalo sa dahilang itinuturing ng mga eksperto ang Omicron variant bilang mula sa tatlo hanggang limang beses na mas nakahahawa kaysa Delta variant ng SARS-Cov-2.
Ipinaliwanag ni Solante na kung ang abilidad ng Delta na mag-transmit sa isang interaction ay nakabase sa kasalukuyang datos, indikasyon ito umano na kayang humawa ng Omicron ng aabot sa mahigit limang beses na bilis kaysa naunang mga variant ng Covid-19.
“Now the experts’ opinion here is that because of these heavy mutations, the Omicron variant can be three to five times as highly transmissible as that of Delta,” punto ng infectious disease expert.
Bilang reaksiyon, idiniin ni Pacquiao ang kahulugan ng paniniwala ng nasabing doktor sa sambayanang Filipino at ito ay kakailanganing batayan ang mabilis nitong pagkalat sa ating populasyon sanhi na rin ng dumaraming close contact sa iisang kaganapan o aktibidad, lalo sa mga enclosed space o saradong lugar.”
“Maaaring ito ang dahilan kung bakit napakabilis ng pagrami ng mga bago at aktibong kaso sa mga komunidad. Nakakikita na rin tayo ng marami pang kaso sa mga healthcare facility sa kasalukuyan kaya masasabi nating mula one third hanggang sa kalahati ng ating healthcare manpower ay positibo sa CoVid-19,” pagtatapos ng Pambansang Kamao.