SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAHIT anong piga ng entertainment press na dumalo sa finale media conference ng Marry Me Marry You sa tunay na relasyon nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez hindi sinagot ng dalawa. Kahit pa nga halatang may namumuong magandang relasyon sa dalawang bida ng romcom series.
Tinanong si Janine kung ano na ba talaga ang score sa kanila ng aktor. Hindi iyon diretsong sinagot ng dalaga at ibinaling ang kuwento sa mga co-star nila sa serye sina Cherry Pie Picache at Edu Manzano na nagkaroon ng relasyon.
“Ha-hahaha! Gusto ko lang sumagot na lahat kami naiinggit kay Miss Pie at kay Tito Edu kapag nakikita namin sila magkasama.
“Walang tatalo sa kaswitan nila kasi. At saka talagang tinakasan nila kami today,” masayang sabi ni Janine.
Muling inurirat sina Janine at Paulo ukol sa kanilang relasyon pero ngiti lamang ang isinagot ng dalawa.
Ani Paulo, “Ako po, si Janine lang hinihintay lagi. So, tingnan natin kung hindi kami masyadong busy for this year. May sari-sarili kaming gagawin for this year.”
After ng Marry Me Marry You, madalas pa ring magkikita ang dalawa dahil magkasama sila sa Kapamilya concert tour sa Los Angeles ngayong 2022 na tatagal ng mahigit dalawang linggo. Kaya naman may nagsabing baka roon magkadebelopan ang dalawa.
“Pero hindi naman kami sa isang kuwarto matutulog,” ani Paulo.
“Huy! Dapat lang! Ha-hahaha!” kabig naman ni Janine.