PATAY ang 48-anyos assistant city prosecutor ng lungsod ng Trece Martires, sa lalawigan ng Cavite, matapos barilin sa harap ng kanyang bahay nitong Biyernes, 31 Disyembre, bisperas ng bagong taon.
Ayon sa pulisya, dakong 7:38 am noong Biyernes nang lumabas ang biktimang kinilalang si Edilbert Mendoza, upang mag-ehersisyo sa kanilang bakuran sa Elysian Field Subdivision, Brgy. Cabuco, sa nabanggit na bayan, nang barilin siya sa likod ng kanyang ulo ng isang suspek.
Sa inilabas na kuha ng closed-circuit television camera ng pulisya, makikita ang biktima habang nagda-jumping rope nang lapitan at barilin siya ng isang lalaking nakasuot ng itim na kamiseta, maong na pantalon, at puting sombrerong tumatakip sa kanyang mukha, saka binaril sa likod at tumakas.
Ayon kay P/SSgt. Rene Bibon, imbestigador ng kaso, una nilang tintitingnan ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pamamaslang dahil sa hawak niyang mga kaso.
Samantala, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pamamaslang kay Mendoza at tumulong sa paghuli sa suspek.
Naglabas ng kautusan si Justice Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay para sa NBI na magsumite ng periodic reports kaugnay sa kanilang pagsisiyasat sa susunod na 30 araw.
Sa kanyang mensahe sa Viber, ipinahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang insidente ay pagpapakita lamang na nasa panganib ang buhay ng mga prosecutor sa pagtupad ng kanilang mga trabaho.
Dagdag niya, ipinag-utos na niya sa NBI na tumulong sa paghahanap at pagdakip sa mga suspek.
Si Mendoza ay ika-66 abogadong pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa pahayag ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).