PANSAMANTALANG sinuspende ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang pag-aproba ng leisure travel requests papasok dito kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng CoVid-19 cases at banta ng panibagong variant na Omicron.
Sa kanilang advisory, sinabi ng Baguio Tourism Office na ang mga leisure travel requests sa ilalim ng Visitor Information and Travel Assistance (VISITA) platform ay pansamantalang suspendido simula nitong Linggo, 2 Enero.
Gayon pa man, ang mayroon nang aprobadong request at may QR-coded tourist passes ay papayagan pa rin pumasok sa lungsod sa kanilang idineklarang petsa ng biyahe at kailangan pa rin sumailalim sa triage.
Samantala, ang mga authorized persons outside of residence (APORs) at essential o opisyal na biyahe ay ia-accommodate sa hiwalay na portal —hdf.baguio.gov.ph — kung kailangang magpasa ng mga kaukulang dokumento at kailangang sumailalim sa triage health screening.
Isasailalim ang National Capital Region sa Alert Level 3 simula ngayong araw, 3 Enero hanggang 15 Enero, matapos maitala ang biglang pagtaas ng mga bagong kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Nitong Linggo, 2 Enero, naitala ang karagdagang 4,600 kaso ng CoVid-19; 21,418 aktibong kaso.
Sa kasalukuyan, naitala ang 2.851 milyong kabuuang kaso kabilang ang 2.778 milyong mga gumaling at 51,570 mga pumanaw.