NAKANSELA ang unification fight sa pagitan nina IBF junior bantamweight champion Jerwin Ancajas at WBO titlist Kazuto Ioka, kaya mababaling ang atensiyon ng Pinoy champ kay Fernando Daniel Martinez ng Argentina na pansamantalang ikinasa sa 19 Pebrero sa New York o sa New Jersey.
Ang itinakdang laban ni Ancajas kay Martinez ay nangyari dahil sa pagkadiskarel ng laban ng IBF champ kay Ioka na nakatakdang mangyari noong Biyernes sa Tokyo.
Nakansela ang nasabing laban dahil sa paghihigpit ng Japan sa ‘foreign travelers’ na pumasok sa kanilang border simula pa noong 30 Nobyembre, sa pag-iingat na kumalat sa bansa ang coronavirus variant Omicron.
Si Ioka ay mapapalaban sa kanyang kababayang si Ryogi Fukunaga para sa New Year’s Eve show sa Ota-City Gymnasium sa Tokyo.
Para hindi rin masayang ang ginugol na matinding training ng kaliweteng 29-anyos mula sa Panabo, idedepensa niya sa ika-10 pagkakataon ang kanyang korona laban kay Martinez.
Huling umakyat sa ring si Ancajas noong Abril, nang talunin niya via unanimous decision si Jonathan Javier Rodriguez sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Si Martinez ay aakyat sa ring laban kay Ancajas na may impresibong kartang 13 wins, walang talo na may 8 KOs. Ito ang kanyang unang salang sa US.
May impresibong huling panalo si Martinez noong Agosto sa Dubai nang patulugin niya si Gonzalo Garcia sa 4th round.
Aakyat si Ancajas sa ring na taglay ang IBF junior bantamweight title na hawak niya sa loob ng 65 buwan. Siya ang ikatlong boksingero na may pinakamahabang rekord na naghari sa kanyang dibisyon.
Una sa listahan si WBC featherweight titlist Gary Russell, Jr., may rekord na 31-1, 18 KOs. Hawak niya ang titulo simula noong Marso 2015; at si WBA strawweight champion Thammanoon Niyomtrong (23-0, 9 KOs) na nagkampeon noong Hunyo 2016.