AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
PERA na naging bato pa? Hindi naman. kundi ang masaya at exciting payout ay nauwi sa trahedya kaya, nariyan pa rin ang atik.
Trahedya? May mga namatay ba? May mga malubha ba? E anong trahedya ang nangyari habang may nagaganap na bigayan ng salapi?
Wait, huwag masyadong nerbiyosin at sa halip, relax lang po. Ano lang naman, mahigit sa 100 katao lang naman ang nalason. “Food poisoning, marami-rami rin ang 100 ha.
Katunayan, hindi pa malaman ang kadahilanan kung saan o paano sila nalason – alin sa mga pagkain na naihanda sa okasyon na ginanap sa Quezon Convention Center ang umano’y nakalason sa kanila. Maaari rin may nauna nang nakain ang mga biktima bago ang inihaing almusal.
Kabilang sa mga nalason ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan.
Kamakalawa, dakong 9:00 pm, umaabot na sa 111 ang bilang ng mga nalason na dinala o ini-admit sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.
Bukod sa ilang empleyado ng kapitolyo, kabilang din sa mga biktima ay pawang kaanib ng Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK) at nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Paridel, Burdeos, Perez, Polillio, Sariaya, Quezon, Quezon, lunsod ng Lucena at Tayabas.
Naganap ang insidente habang namimigay ng pay out ng honorarium sa 4,000 kasapi ng PULI at LK.
Siyempre bago kasi ang bigayan ng biyaya ay may paalmusal muna… at makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hot dog at kanin, bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang nagsuka ang mga biktima.
Isinugod naman agad ng mga ambulansiya sa Quezon Medical Center ang mga biktima. May mga ini-admit sa mga kuwarto na noon ay pinaglagyan ng mga CoVid-19 patients pero siyempre malinis naman na ang kuwarto.
Sa kanyang Facebook account, si Governor Danilo Suarez ay humingi ng paumanhin at pang-unawa sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ang mga nangyari.
Pero gaano naman kaya katotoo ang bulong- bulungan na ang LK at PULI ay ginagamit ng mga Suarez sa kanilang pamomolitika? Nagtatanong lang po. Bagamat, pinabulaanan naman ng kampo ni Suarez ang alegasyon.
Inaalam pa rin ang katotohanan na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag- aari ng isang opisyal sa kapitolyo? Aba’y bawal ito kung sakaling totoo.
Trahedya nga naman talaga, magpa-Pasko pa man din. Nawa’y walang malubha sa mga sinasabing nalason para makasama nila ang kanilang pamilya sa noche buena.
Higit sa lahat, maging patas ang gagawing imbestigasyon sa pangyayari. Anyway, walang may gusto sa pangyayari.