AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAITANONG lang naman natin ito makaraang mangyari ang ginawa umanong panloloob at pagnanakaw ng ilang pulis sa bahay ng isang Japanese national at live-in partner nito sa Pasig City nitong Sabado.
Hindi na ang tinangay nilang P10 milyong cash ang pinag-uusapan dito kung hindi ang ipinakita ng mga pulis sa publiko – imbes protektahan ang mamamayan sa masasamang loob, hayun sila pa ang nanguna sa pagnanakaw o pananarantado sa mamamayan.
Nakatatakot naman, kung sino pa ang dapat na lapitan ng mga mamamayang ginigipit ng masasamang loob o kriminal, silang mga pulis pa ang…@#$%. Buwisit!
Sa nangyari, dapat pa bang pagkatiwalaan ang mga pulis? Oo naman, unfair naman kasi sa nakararami – kahit na paano ay marami pa rin naman ang medyo matinong pulis.
‘Ika nga, ang madalas na palusot ng PNP sa mga ganitong kaso ay “isolated case” lang naman ang pangyayari. Anong isolated? Aba’y marami-rami na rin ang ganitong nangyaring insidente ha.
Bagamat, sige na nga, dapat pa rin siguro natin pagkatiwalaan ang mga o ilang pulis dahil kahit paano ay marami pa rin ang tumutupad sa kanilang sinumpang tungkulin na maglingkod bayan.
Nakita natin ang patunay, sino pa rin ba ang tumulong sa live-in partners na biktima na sina Joana Marie Espiritu at Kani Toshihiro, Japanese national, kapwa residente sa Barangay Kapitolyo, Pasig City…sino nga ba? Mga pulis pa rin. Kaya, no choice. Dapat pa rin natin pagkatiwalaan ang mga pulis pero, kailangan siguro ng dobleng pag-iingat. He he he…
Abangan pala sa mga susunod na araw ha, isang pulis na nagnenegosyo – pagno-notaryo ng mga traffic accident statement sa loob ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit Sector 4 Office kung saan rin naroon ang main office ng TEU. Puwede ba iyon? Imbestigador ka tapos ikaw ang magnonotaryo? Abangan!
Tsk tsk tsk…ibang klae talaga ang ibang pulis ngayon – iba’t ibang paraan ng ‘panghoholdap’ ang kanilang ginagawang estilo.
Balik tayo sa nangyari sa live-in partners na tinangayan ng P10 milyon ng mga pulis…pero mga pulis rin ang humuli sa kanila. Ang tanong nga natin ay dapat pa bang pagkatiwalaan ang mga lespu natin?
Ano pa man, apat na pulis at isa pang kasabwat ang inaresto ng mga nagrespondeng kabaro nila makaraang looban at pagnakawan ang live-in partners sa kanilang tahanan sa Brgy. Kapitolyo.
Take note ha, mga pulis pa rin ang nakaaresto at hindi kung sino pa.
Bago nadakip ang apat, sumuko pala ang dalawa sa kanila, nagkaroon pa muna ng shootout sa pagitan ng mga pulis at pulis. Hayun, napatay ang dalawang sibilyan, kapwa kasabwat sa nakawan.
Napatay ayon kay Eastern Police District (EPD) Director P/BGen Orlando Yebra, ay sina Jhon Carlo Atienza, 30, residente sa 128 Zone 2, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.
Wala bang napatay na pulis sa grupo ng mga magnanakaw? Wala naman pero dalawa sa kanila ay nadakip sa follow-up operation habang ang dalawa ay sumuko sa kanilang superior.
Kinasuhan na sa piskalya sina P/SSgt. Jayson Bartolome, P/Cpl. Merick Desoloc, P/Cpl. Christian Jerome Reyes, at Pat. Kirk Joshua Almojera, pawang nakatalaga sa Taguig City Police, at si AJ Mary Agnas, 22 anyos, residente sa Zone 5, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City, at staff ng mag-asawang biktima.
Hinahanting pa sina Ferdinand Fallaria, isang dismissed PNP personnel na nakatalaga sa NCRPO; at isang Rowel Galan.
Sa ulat ng Pasig City Police, Sabado ng 12:10 am nang pasukin umano ng mga suspek ang bahay ng mga biktima. Tinutukan ng baril at saka tinangay ang P10 milyon na nakatago sa vault.
Nang tumakas ang mga suspek, agad humingi ng tulong ang mga biktima sa Pasig Police na agad nagkasa ng hot pursuit operations hanggang sa natunton ang mga suspek sa West Capitol Drive patungo sa Sta. Monica sa Brgy. Kapitolyo.
Heto pa ang estilo ng mga suspek para makatakass, isinaboy ang P1.3 milyong cash money na bahagi ng natangay nila. Pinaputukan rin nila ang mga humahabol na pulis na napilitang gumanti kaya napatay ang dalawang kasabwat na sibilyan at nasugatan ang isang pulis na kasalukuyang nasa ospital.
Nakarating ang dalawa pang suspek sa saradong gate ng West Capitol Drive at dito nila napilitang abandonahin ang motorsiklo at umakyat na lamang sa gate upang makatakas.
Hindi naman tumigil ang Pasig Police – kaya sa follow-up operation ay naaresto sina P/Cpl. Reyes at Agnas habang sina P/Cpl. Desoloc at Pat. Almojera ay sumuko sa Taguig CPS at saka ini-turn-over sa Pasig City Police Station.
Agad ipinag-utos ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, PMGen Vicente Danao, Jr., sa Pasig City Police ang pagsibak sa mga naarestong pulis.
Sa pangyayaring ito, dapat pa ba natin pagkatiwalaan ang mga pulis? Pero isipin natin ha, sino pa rin ba ang umaresto sa mga nagnakaw sa live-in partners na tinangayan ng P10 milyon? Mga pulis din…so, pagkatiwalaan pa rin natin ang PNP pero, kaunting ingat o doble ingat sa ilan sa kanila.
Uli, abangan sa susunod, ang raket naman ng isang pulis imbestigador ng QCPD -TEU Sector 4, ang pagpapatakbo ng negosyong pagnonotaryo ng traffic accident statement sa mismong presinto. Puwede ba iyon?