BILANG pagsunod sa direktiba ni PNP chief, P/Gen. Dionard Carlos, naglabas ng Operational Guidelines si PRO3 PNP Regional Director P/BGen. Matthew Baccay upang matiyak na magiging ligtas at payapa ang pagdaraos ng Kapaskuhan sa taong ito.
Ayon kay P/BGen. Baccay, titiyakin ng PNP na ang probisyon sa pagsasaayos, pagmamanupaktura at pamamahagi ng mga paputok ay mahigpit na ipatutupad base sa Executive Order No. 28 para sa regulasyon at pagkontrol sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic devices.
Kasunod ito ng pahayag ng buong suporta ng pambansang pulisya sa Department of Health (DOH) sa pagtataguyod ng national advocacy para sa ligtas na pagdaraos ng Kapaskuhan na tradisyonal na minamarkahan ng malalakas na paputok at matitingkad na pailaw.
Dagdag ni Baccay, ginagawa nila ito upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat lokalidad na may sapat na police manpower.
Aniya, bawat police station ay makikipag-ugnayan sa kani-kanilang local government unit/s (LGUs) upang malaman at ma-monitor ang mga designated firecracker zones na maingat namang iinspeksiyonin sa pakikipag-ugnayan sa mga public safety agencies tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at local DRRMC.
Gayondin, binibigyan umano ni P/BGen. Baccay ng babala ang mga manufacturers at retailers na huwag masangkot sa pamamahagi ng ilegal na paputok, sapagkat kokompiskahin ito at aarestohin ang mga gagawa nito. (MICKA BAUTISTA)