NADAKIP ang pito kataong sangkot sa ilegal na droga sa pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya laban sa krimen ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo ng umaga, 12 Disyembre.
Kinilala ni P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, ang pitong suspek na sina Ariel Abragan ng Pasong Tamo, lungsod Quezon at Marlon Esteban ng Brgy. Siling Bata, Pandi, kapwa kabilang sa drug watchlist ng pulisya; Mary Grace Velasco ng Brgy. Poblacion, Bustos; Johan Miranda ng Brgy. Tilepayong, Baliuag; Jerome Gonzales ng Brgy. Sulivan, Baliuag; Ariel Pagdanganan at Romeo Pagdanganan, kapwa mula sa Brgy. Pio Cruzcosa, Calumpit.
Nasakote ang mga suspek sa ikinasang drug bust ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Rafael, Pandi, Bustos, Calumpit at Pulilan municipal police stations.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 14 selyadong pakete ng hinihinlang shabu, limang pakete ng tuyong dahon ng marijuana, sari-saring drug paraphernalia, at buy bust money.
Dinala ang mga naarestong suspek at mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination.
(MICKA BAUTISTA)