HATAWAN
ni Ed de Leon
“AKALA ko nagbalik na sa taping iyong ‘Home Sweetie Home’” ang kuwento ng isa naming kakilala. Kasi nga nang madaanan niya ang taping ng ginagawang sitcom ni John Lloyd Cruz, ang nakita niyang iba pang kasali roon ay mga Kapamilya star. Hindi naman masasabing ”nag-balimbing” o “nagtalunan na sila sa Kamuning” dahil ang kontrata naman nila bilang kapamilya ay wala na muna dahil hindi nga nabigyan ng panibagong franchise ang network, at pinayagan naman silang tumanggap muna ng trabaho sa iba.
Pero dahil si John Lloyd nga ang bida, sitcom din, at halos pareho ang stars, pinagbibiruan nilang parang binuhay ang Home Sweetie Home na top rating noon sa Channel 2.
Iyang mga sitcom naman halos pare-pareho lang ang idea niyan, at kung sabihin nga, ”walang original na comedy,” dahil ano man ang kanilang gawin, tiyak na may una nang nakagawa. Pero ang paniwala naman namin, lalagyan nila iyan ng variation para hindi masabing replay lang sila ng Home Sweetie Home.