RATED R
ni Rommel Gonzales
ILANG beses pa lang nagpadala ng mensahe ang sikat na singer na si Ivy Violan pero hindi ito pinapansin noong una ni Rozz Daniels.
Kundi pa dahil sa common friend nilang singing editor na si Blessie Cirera, hindi pa malalaman ni Rozz na interesado si Ivy na igawa siya ng kanta.
Marami kasing kung sino-sinong nagpapadala sa kanya ng mensahe pero karamihan ay para lamang mangutang!
Kaya wala siyang kamalay-malay na magandang balita pala ang hatid ni Ivy sa kanya.
“Sabi ni Blessie, friend si Ivy nagre-reach out sa iyo. Mula noon araw-araw na kaming nagtatawagan, nagpe-Facetime.”
Humantong iyon sa isang pagkakaibigan at iginawa na nga ni Ivy ng kanta si Rozz.
Naghahanda na si Rozz sa launch ng debut single niyang Alay Sa Iyo composed by music icon Ivy Violan at ang Bakit na collaboration naman nina Ivy at Rannie Raymundo para kay Rozz.
Si Ivy naman ang naging tulay kay Rannie para maging parte ng kantang Bakit.
Plano nilang gumawa ng isang album na compilation ng mga kanta ni Rozz.
Mula Wisconsin, USA ay lumipad pauwi sa Pilipinas si Rozz para asikasuhin ang kanyang mga kanta. Laking pasasalamat ni Rozz sa teknolohiya dahil regular niyang nakakausap ang American husband sa pamamagitan ng Facetime.
“Oh, one hundred percent,” ang sagot ni Rozz sa tanong namin kung gaano ka-supportive ang mister niya sa kanyang singing career.
“Alam niya itong mga ginagawa ko, lagi nga niyang tinatanong sa akin kung sigurado ba ako na tama o kasya ang pera ko, sabi ko naman, ‘Yes, honey!’
“Lagi niyang sinasabi, ‘Honey, it’s your time to shine!’
“Kasi noon natigil ang pagkanta ko kasi inasikaso ko ang husband at four children ko.”
Hands-on na asawa at ina si Rozz noon kaya ngayong malalaki na ang kanilang mga anak ay muli siyang tumutok sa kanyang singing career.
Sa pagbabakasyon ni Rozz sa Pilipinas, ginawaran siya ng parangal bilang Most Promising Female Pop Rock Diva of the Year 2021 ng Phoenix Excellence Awards na isinagawa sa Overview Resto Bar sa Quezon Avenue noong December 8 na dinaluhan ng kanyang mga kapamilya, kaibigan, tagahanga, at media friends.
Ang Phoenix Excellence Awards ay pinamamahalaan ni direk Ronald Abad.
Regular na napapanood si Rozz sa KUMU sa The Rocks & Rozz show kasama sina Blessie (ang singing editor ng Police Files Tonite), ang younger sister ni Rozz na si Analyn Torregoza (na napakahusay ding kumanta), ang cute oppa na si Jerome Sangalang, Derf Dwayne na may mala-James Ingram na boses, at ang opera singer na si Harold Evangelista.
Mga anak kung ituring ni Rozz ang mga kasama niyang talents sa The Rocks & Rozz Show.
Napapanood ang The Rocks & Rozz Show sa KUMU tuwing Sabado, 10:00 a.m.- 1:00 p.m..