INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na naitala ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio City at National Capital Region (NCR) ngayong taon.
Sa naitala ng PAGASA, ang temperatura sa Baguio City ay bumagsak sa 11.4 Celsius bandang 4:50 am habang sa Science Garden monitoring station ng kanilang tanggapan sa Quezon City ay nakapag-record ng 20.4 Celsius dakong 6:15 am.
Ayon sa state weather bureau, ang malamig na temperatura ng hangin ay bunsod ng northeast monsoon (amihan) season at maaaring magtagal pa hanggang Pebrero sa susunod na taon.
Kabilang sa nairekord na may “low air temperature” nitong umaga ng Linggo ay ang Basco, Batanes na may 17.0°C, Tanay, Rizal -17.8°C, Casiguran, Aurora -18.8°C, Tuguegarao City, Cagayan-19.0°C, Abucay, Bataan- 19.1°C, San Jose, Occidental Mindoro- 19.6°C, Malaybalay, Bukidnon -20.0°C at Baler, Aurora na may 20.6°C.
Nabatid, ang pinakamababang temperatura ay naitala sa Baguio City na may 6.3 Celsius noong 18 Enero 1961 habang ang pinakamababa naman na naitala sa Metro Manila ay 15.1 Celsius noong 4 Pebrero 1987 at 30 Disyembre 1988.
(ALMAR DANGUILAN)