RATED R
ni Rommel Gonzales
NI sa panaginip ay hindi inaasahan ni Jeyrick Sigmaton na magkakaroon siya ng isang international acting award.
Nagwagi si Jeyrick bilang Best Actor para sa short film na Dayas sa katatapos lamang na International Film Festival Manhattan Autumn sa New York sa Amerika.
“Actually, nagulat din ako noong una. Hindi ko inaasahan na magkakaroon ako ng ganoong award, ‘tapos international pa. Masaya naman ako at that time, nakalimutan ko na kung ano ‘yung ginagawa ko noong ibinalita nila,” pahayag ni Jeyrick na unang sumikat at nag-viral bilang si Carrot Man.
Ayon pa kay Jeyrick, nakatulong sa kanya ang mga sinalihang acting workshops kaya hindi siya gaanong nahirapan sa una niyang pagsabak sa akting.
Hindi niya makakalimutan ang mga emotional scene niya sa naturang short film.
“Masakit sa dibdib pala kapag totoo ‘yung scene, tapos ayaw pang mag-cut ng direktor.
“Kasi, sa tuwing iiyak ka, roon mo nailalabas ‘yung sakit sa iyong damdamin. Nag-practice ako ng mabuting-mabuti sa pag-iyak.”
Pinarangalan din si Jeyrick ng Dangal ng Lahi na ginanap nitong November 27.
Ang Dayas (the process of gold extraction from the ore) ay idinirehe at brainchild ni direk Jennylyn Delos Santos (or Jianlin) na siya ring executive producer.
Si Peter Allan Mariano naman ang Assistant Director at Director of Photography ng naturang short film.
Si Ms. Jinky Delos Santos-Lontoc ang Coordinating Director at online strategist ng Sine Cordillera at Be Unrivaled Productions na naghandog ng pelikula at coordinator sa mga media network at international film festivals para sa promotion ng Dayas.