MARAMING salamat, Sir JSY.
Nabulabog mo kaming lahat, mga tauhan mo, pamilya, lahat ng nagmamahal sa’yo, pati na rin ang (naiinggit) sa ‘yo, pati buong industriya ng malayang pamamahayag, lumuluha sa biglaan mong pag-alis sa mundo.
Pero lahat ito’y nakatakda na, kung minsan, ang katulad mong umalis patungo sa kabilang buhay na walang problema at lahat masaya.
Isa ako sa masuwerteng tao na nakabilang sa iyong diyaryo at kompanya (HATAW D’yaryo ng Bayan ng JSY Publishing), na maraming ulit mo akong binigyan ng malaking tulong upang mabuhay muli.
Mahigit limang taon na ang nakararaan nang bigla na lamang akong isugod sa ospital dahil sa stroke.
Malaking problema, dahil hindi ako nakapaghanda, ‘ika nga e wala talaga kong pera dahil katatapos pa lamang ng panganay na anak sa pag-aaral.
Dito na, nagdesisyon ang aking misis na si Connie na humingi ng tulong,
“Sir, puwede po bang humingi ng tulong, asawa po ako ni Rommel Sales.”
Sir Jerry, hindi ka man lang nagdalawang isip para bigyan mo ako ng tulong.
Gano’n ka kabilis magbigay ng tulong Sir Jerry at hindi ko ‘yun makakalimutan!
Nasa emergency room na ako noon at badly needed ko ng pera para lang ma-admit sa ospital na dapat ay (mayaman ka para papasukin at gamutin) ay hindi nag-atubili para magbigay ng tulong.
Kuwento ni misis e, coordinate ka kay Gloria Galuno (my best editor) and the rest is history ‘ika nga.
Paglipas ng ilang buwan ay umatend akong muli ng masayang Christmas Party natin.
At muli ay umatend ako ng kasunod mong birthday at doon mo sinabing, “Maligaya na ang birthday ko, okey na si Rommel.”
Nang sabihin ni Sir Jerry ‘yun halos naluha ako at hindi na nakapagsalita.
“Thank you very much sir,” na lamang ako sa kanya.
Kaya hangga’t maari ay makita kita kahit man lang sa ‘yong huling araw sa mundo ay hindi ako maaaring hindi nagtungo doon upang makita ka.
Dahil may dinaramdam pa rin ako ay sinasabi ng ilan na ipagdasal na lamang kita, may nagsasabing, hindi puwedeng magpunta sa patay dahil pandemic at kung ano-ano pa, hindi rin maaari na makita ka.
Pero nang silipin kita, nakita kung nakangiti ka naman nang makita ako, kaya salamat nang marami, Sir Jerry Yap!
Muli, isang maligayang paglalakbay sa ‘yo Sir Jerry, nasa kamay ka na ng Ama, at sana’y hanggang diyan ay ipagpatuloy mo ang pagtulong mo sa amin.