UMALMA si Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares sa polisiya ng gobyerno na ang uring manggagawa ang magbabayad sa CoVid-19 testing.
Ani Colmenares hindi makatarungan ang ganitong polisiya sa gitna ng kakulangan sa bakuna.
Aniya, kailangang paigtingin ang pagbabakuna kung gusto ng pamahalaan na lumago ang ekonomiya ng bansa.
“A healthy workforce is essential as they are the ones who drive economic activity, “ ani Colmenares.
“In the first place, how can we have a vaccinated workforce when there are shortages in the supplies needed for inoculation? “ tanong ng dating kongresista.
“Kung ang karaniwang presyo ng RT-PCR test ay nasa P2,800, kinakailangan ng isang minimum wage earner magtrabaho ng katumbas ng anim na araw para lamang bayaran ito. Paano pa kaya sa ibang probinsiya kung saan mas mababa ang minimum wage?”
Aniya, “bagamat marami sa ating LGU ay may pa-testing, kinakailangan magpa-iskedyul para rito. Hindi ito sapat, at kawawa naman kung linggo-linggo ang pa-testing sa mga trabahador. Ngayong, may banta pa ng Omicron variant, hindi ba dapat mas palakasin ang testing sa mga tao ngayon?”
Nanawagan si Colmenares sa IATF na tingnan muli ang polisiyang ito. (GERRY BALDO)