AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAAYON ba sa batas ang nangyaring paspasang pag-aproba ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa nakabinbing 2021 Annual Budget ng lalawigan kahit na apat lang ang dumalong miyembro sa special session?
Sabado, Nobyembre 13, 2021, napaulat na isinagawa ang sesyon? Pero apat lang sa miyembro ng konseho ang dumalo. Hindi ba dapat majority attendance ng mga miyembro ang present sa mga ganitong sensitbong talakayin?
Ano kayang meron sa mabilisang pagpasa sa nakabinbing 2021 budget na P4,157,830.020?
Kung suriin ang sinasabing paspasang pag-aproba sa pondo, ang magandang katanungan dito ay bakit inabot ng hanggang Nobyembre 13, 2021 ang pag-aproba sa budget? Ibig bang sabihin nito ay mayroong problema kaya inabot na ng last quarter ng 2021?
Hindi kaya, kaya natagalan ito dahil marami pang kuwestiyon dito ang ilang miyembro ng konseho lalo ang mga hindi nakadalo sa sesyon?
Teka, baka naman kinakailangan na ang pondo para maumpisahan ang mga nakabinbing proyekto ng pamahalaang panglalawigan kaya kahit apat lang ang nasa session ay inaprobahan ito? Oo nga naman.
Proyekto nga ba o para may magamit sa 2022 election? Ops, nagtatanong lang po ha at hindi nag-aakusa.
Ayon sa ulat, ang anak ni Quezon Governor Danilo Suarez na si Bokal Donaldo “Jet” Suarez ang nagpursigi para ipasa ng konseho ang 2021 Revised Provincial Annual Budget na P4,157,830,020. Totoo ba ito Ginoong Bokal Suarez?
Bago ang lahat, binuo ng konseho kasama si Vice Governor Samuel Nantes ang kapulungan bilang committee-as-a-whole noong umaga ng Sabado at makatanghali ay isinagawa ang special session.
Dinaluhan ang sesyon ng nakababatang Suarez at tatlo niyang kaalyado sa Minority Bloc na sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag, at Rhodora Tan. Malinaw na apat nga lang ang dumalo at magkakaalyado pa. He he he. Ayos ang buto-buto.
‘Ika nga, the show must go on… kaya isinagawa agad ang marathon committee hearing at special session kahit na aapat lang sila. Ang walo pang Bokal kasi na bumubuo ng Majority Bloc ay hindi makadalo dahil pinatawan sila ng 60-day suspension noong Nobyembre 11, ng Department of Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President kung saan nagsampa ng demandang abuse of authority, oppression, at grave misconduct.
At ang ika-13 bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang sa majority bloc na hindi suspendido ay hindi dumalo sa hearing at special session.
Sa session ay isinabay na ipinasa ang Provincial Annual Investment Plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na pagbabasehan sa proposed annual budget para sa susunod na taon. Aba’y two-in-one pala ang nangyari sa special session. Puwede ba iyon, kahit wala sa korum ang Konseho?
Ayon kay Ubana, tumatayong leader ng majority bloc, sinunod lamang nila ang mga regulasyon hinggil sa pagtitiyak na paggamitan sa budget kaya wala sa kanila ang pagkukulang kung hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget.
Heto pa ang sabi ni Ubana, sa pagsusuri nila, nakita nilang mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na naunang naaprobahan ng konseho.
Halos P200-P300 milyon ang nakita nila na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagkagastusan ng pondo. Totoo ba ito? Napakalaki naman niyan ha.
Heto pa ang nakita, hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum. Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang bayan o barangay ito gagamitin.
Dalawa na iyong nakitang dahilan ng pagkaantala ha. But wait, there’s more, ‘ika nga. Pangatlo, hindi daw tugma ang nakapaloob na mungkahing budget doon sa mensahe ng gobernador (Executive Message). Nakasaad sa mensahe na “this budget seeks to provide response and recovery for CoVid.” Ngunit nang bulatlatin ang nilalaman nito ay nakita nilang halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantala ang halos lahat ng ospital sa probinsiya ay may kargang halos P40 milyong pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng Governor’s Office.
Dahil sa mga nakitang butas, hindi ipinasa ang budget proposal kaya nanatiling nakabinbin, ani Ubana.
Akala ng marami, sa Kongreso lang nangyayari ang pasingit system mayroon din pala ito sa ibaba – sa mga panglalawigan. Kaya, ang bayan tuloy ang nagdurusa.
Pero Gov. Suarez, bagamat inaprobahan na ang 2021 budget, ano pong masasabi niyo sa akusasyon na maraming hindi tugma sa budget proposal? Totoo nga ba ito?
Ang tanong na malaki dito, bakit ginawa ang sesyon na suspendido ang mga tumututol sa budget proposal? Nagkataon lang ba ang lahat?