RATED R
ni Rommel Gonzales
TANGGAP na ni Marian Rivera na dahil sa COVID-19 ay tipong parte na ng buhay natin ang mga lockdown, quarantine, at iba’t ibang health and safety protocol para makaiwas sa sakit na hatid ng coronavirus.
Alam ng lahat na simula talaga noong magkaroon ng pandemic, hindi na siya gumawa ng mga proyekto na hindi work from home. Sa bahay nga ang shoot ng spiels ni Marian para sa Tadhana ng GMA.
At ang pandemya ang isa rin sa mga dahilan kaya hindi niya nagagawa ang umarte at gumawa ng teleserye o soap opera.
Pero sa darating na 2022, posible kayang magbalik na siya sa pag-arte, lalo pa nga’t marami na ang nakaka-miss sa Primetime Queen ng GMA?
“Naku, kasi ang hirap sabihin kUng on-the-spot na oo o hindi. Kasi depende pa rin iyan sa magiging sitwasyon at protocol ng GMA.
“Kasi kung kaunting araw lang naman, bakit hindi, ‘di ba? Let’s compromise. Pero kung katulad ng lock-in taping na mawawala ako ng isang buwan para sa mga anak ko, medyo mahirap iyan para sa akin.
“Siyempre, ang mga anak ko, umaasa iyan sa akin. Si Zia nag-aaral, si Sixto, sa akin. So, mahihirapan ako.
“Tingnan natin, baka naman next year, mas okay na. Mas smooth na ito at alam na natin kung paano diskartehan.”