ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
LABIS ang pasasalamat ni Sarah Javier nang napanalunan ang Mrs. Universe Philippines-Visayas 2021 sa katatapos na Mrs. Universe Philippines 2021, bilang pambato ng Cavite.
Saad ni Ms. Sarah, “Nagpapasalamat po ako sa Panginoon na Siyang nagbigay po sa akin ng lahat-lahat. Pangalawa, sa aking asawa at anak at sa aking nanay po Lily Camet Javier, mga kapatid ko po, mga in laws ko po… sila po talaga ang nagbigay inspiration sa akin para lumaban. Maraming salamat po sa inyo, mahal na mahal ko kayo. At sa mga kamag-anak ko po, mga kaibigan, mga ninang ko, 69ers batch ng Pilar Academy, mga press family ko po. Ang dami-dami ko pong nais pasalamatan at nakaukit iyon sa puso ko. Sa mga nag-sponsor po sa akin lalo na po kay Suzette Escalante, Gov. Chavit Singson, Jamie Go Atelier, Bong Ronquillo, Kat Joplo, Exquisite 1 on 1 Make Up Studio, Pitikoloso multimedia production, and Cloak and Dagger Studio. Maraming salamat po sa inyong suporta at pagmamahal.”
Dahil ang dami niyang hinakot na special awards sa Mrs. Universe Philippines 2021, inusisa namin kung ano ang reaksiyon niya rito? Aniya, “Very meaningful po ang lahat ng awards sa akin lalo’t unexpected po talaga na naging ambassadress ako ng iba’t ibang brand. I am so proud of it talaga at mostly ang maging Ms. Friendship po, nakatataba ng puso na isipin na lahat po kasi ng mga co-queen sisters ko ay napalapit at napamahal na po sa akin.”
Nalaman din namin na bahagi pala siya ng pelikulang Nelia ni Direk Lester Dimaranan. Mula A and Q Productions Films Incorporated, starring Winwyn Marquez, Raymond Bagatsing, Mon Confiado, Shido Roxas, Ali Forbes, at iba pa.
Ano ang role niya sa Nelia na pumasok sa MMFF 2021? “Ang role ko po ay isang babaeng mapagpanggap po, hahaha! Abangan po nila Tito, at bit role lang po pero may tatak doon.”
First time pala niya sa MMFF, kaya itinuturing niya itong blessing. “Opo, first time po kaya super overwhelmed, I am happy, I am blessed to be part of this quality movie na Nelia, kaya sana po paki-suportahan, mapapanood sa December 25!”
Ayon pa kay Ms. Sarah, ang pinagkakaabalahan niya ngayon, bukod sa pag-aayos ng kanyang advocacy na mental health awareness, babalik siya sa paggawa uli ng kanta dahil music talaga ang kanyang mundo.
Plano ba niyang i-promote ang kanyang Christmas song? “Opo, muli na naman ninyong maririnig ang rendition ko ng kantang Sana Ngayong Pasko by Jimmy Borja, arranged by Elmer Blancaflor. Lalo’t malapit na ang Pasko at sana itong darating na Pasko ay maging masaya na ang ating mundo. Matapos na po nawa ang pandemic na ito, pagpalain po nawa tayong lahat ng ating Panginoon,” aniya pa.