NALALAGAY sa alanganin ang isang non-uniformed personnel ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) sa lalawigan ng Bulacan dahil sa reklamong pang-i-scam sa negosyong bigasan.
Ayon kay P/Lt. Col. Ronnie Pascua, acting police chief ng Bocaue MPS, lumitaw sa imbestigasyon na si Ayla Joy Dela Cruz, residente sa JMJ Subd., Abangan Norte, Marilao, at empleyada sa naturang estasyon ay pinangakuan ang kanyang mga biktima na kikita sila ng 33 hanggang 50 porsiyento kung mamumuhunan sa kanyang negosyong bigas.
Lumantad ang walong nagreklamo laban kay Dela Cruz at sinabing sila ay namuhunan ng P1.4 milyon, ngunit nabigong makuha ang ipinangako sa kanilang kikitain.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang suspek ay walang permit at mga kinauukulng dokumento para sa sinasabi niyang negosyo sa bigas.
Nahaharap ngayon sa sapin-saping reklamong Estafa/Swindling at paglabag sa Article 53 ng RA7394 (Consumer Act of the Philippines) ang suspek na nakatakdang isampa sa korte.
(MICKA BAUTISTA)