BINAWIAN ng buhay ang limang batang magkakapatid kabilang ang bunsong sanggol, habang nakaligtas ang kanilang mga magulang, nang tamaan ng landslide ang kanilang bahay nitong Linggo ng umaga, 14 Nobyembre, sa Purok 2, Sitio Sawsaw, Brgy. Mandulog, sa lungsod ng Iligan, lalawigan ng Lanao del Norte.
Ayon sa kaptian ng Brgy. Mandulog na si Abungal Cauntungan, walong pamilya ang apektado ng pagguho ng lupa kabilang ang bahay ng mag-asawang Jessie at Shiela Mae Barulan.
Kinilala ang limang anak ng mag-asawa na natabunan ng lupa na sina Shemabel, pitong buwang gulang; Trishamae, 3 anyos; Xian, 4 anyos; Kent Warren, 6 anyos; at CJ, 8 anyos.
Idineklarang dead on arrival ang limang bata sa Adventist Medical Center at Gregorio T. Lluch Memorial Hospital (GTLMH), kung saan sila magkakahiwalay na isinugod.
Pinaniniwalaang ang ilang araw na pag-ulan sa bulubunduking lugar ang dahilan kung bakit gumuho ang lupa.